KINALAMPAG ni Senador Sonny Angara ang gobyerno na mas paigtingin ang kanilang jobs program para sa kabataan upang maiwasan ang patuloy na pagtaas ng bilang ng mga tambay sa bansa.
“Ang pinakamalaking porsiyento ng mga unemployed ay mula sa sektor ng mga kabataan. At bilang sagot sa suliraning ito, isinabatas ang JobStart Law na ang target ay ang mahigit isang milyong kabataang tambay na walang trabaho at hindi nag-aaral,” anang senador.
Si Angara ang nagsilbing sponsor ng JobStart Philippines Act o ang Republic Act 10869, ang batas na malawak na nagpapatupad ng JobStart Program ng gobyerno na nagkakaloob sa mga kabataan ng libreng technical at life skills training, internships, job matching assistance at job referrals.
Base sa pananaliksik ng Labor Force Survey nitong Abril 2018, lumalabas na sa kabuuang 2.36 milyong Pinoy na walang trabaho, halos kalahati nito, o 1.1 milyon sa mga ito ang mga kabataan. Tinatayang 41 porsiyento sa buong bilang ng unemployed ay pawang nakatuntong o nakatapos ng high school, habang 36 porsiyento naman ang nakarating at nakapagtapos ng kolehiyo.
“Nakalulungkot na base sa mga pag-aaral, matapos maka-graduate sa college, karamihan sa mga kabataang ito ay inaabot ng humigit-kumulang dalawang taon bago makakuha ng trabaho. Ang high school graduates naman, bago makakita ng trabaho, inaabot pa nang hanggang apat na taon. Isipin na lang natin — nakatapos ng college at high school ang mga ‘yan, hirap na hirap pang makahanap ng trabaho, paano pa kaya ang mga out-of-school youth? Sila ang pinakanahihirapan sa lahat dahil nga sa kakulangan ng edukasyon. Sa pamamagitan ng JobStart Program, ang dating 2-4 taong paghahanap ng trabaho, maaaring hindi na umabot ng isang taon,” saad pa ni Angara.
At upang maging kuwalipikado sa programang ito ng gobyerno, ang isang aplikante ay kailangang nasa edad 18-24; nakatuntong man lang ng high school; walang ibang trabaho, hindi nag-aaral o hindi sumasailalim sa anumang training; walang work experience o kung nagkaroon man ng trabaho ay kailangang hindi ito umabot ng isang taon sa dati niyang pinapasukan.
Ang JobStart program ay nahahati sa tatlong bahagi: 1) life skills training sa loob ng 10 araw; 2) technical skills training sa loob ng tatlong buwan; at, 3) internship sa mga kompanya sa loob ng anim na buwan.
Tatanggap din ng allowance ang mga trainee sa panahon ng kanilang life skills and technical training. Inaatasan ang mga employer na magkaloob ng arawang stipend sa mga ito na hindi bababa sa 75 porsiyento ng umiiral na minimum wage na ipinatutupad sa kani-kanilang lugar.
“Sabi nga ni Gat Jose Rizal, ‘Ang kabataan ang pag-asa ng bayan.’ Huwag naman sana nating hayaan na maging tambay ng bayan ang ating kabataan.
“Kailangan nila ng kaukulang tulong upang makahanap nang maayos at disenteng trabaho para magka-roon sila ng direksiyon sa buhay, at para matulungan ang kanilang pamilya na makaahon sa kahirapan,” dagdag pa ng senador. VICKY CERVALES