ILANG ulit na rin nating natalakay ang tungkol sa hindi maiiwasang pagdating ng panahon ng AI o Artificial Intelligence, kung saan maraming mga hanapbuhay ang maaaring mapalitan ng robot o computer. Kung tayo ay hindi handa para sa panahong ito, maaaring mahirapan tayong makahanap ng lugar sa bagong panahon.
Bukod pa sa pag-aaral ng mga bagong kaalaman, pagkuha ng mga kursong naaayon sa pinatutunguhan ng panahon, at pagdaragdag sa ating mga kasanayan, isa rin sa maaaring gawin ng bawat isa sa atin ay pag-aralan ang mga bagong pangangailangan ng tao sa panahong ito, at umisip ng mga paraan upang paano matutugunan ang mga ito.
Nabasa ko kamakailan sa isang website tungkol sa teknolohiya ang kuwento ng isang babaeng namatayan ng ina. Noong magkasakit ang kanyang ina at ‘di na kayang makipag-usap, nahirapan ang pamilya upang alamin ang mga mahahalagang impormasyong tulad ng passwords upang maisaayos ang mga online transactions at bank accounts ng kanyang magulang.
Dahil sa kanyang karanasan, naisipan niyang magtayo ng kompanya na maghahanda sa mga tao (kliyente) at kanilang pamilya upang madaling maisaayos ang mga bagay na dapat ayusin kapag dumating ang panahong ‘di na kayang makapagsalita ng kliyente.
Kung ikaw halimbawa ay may binabayarang subscriptions o automatic payments, maaaring magtuloy-tuloy pa ito sa iyong pagpanaw. Ginagawa ng naturang kompanya ang mga plano kung paano aasikasuhin ang mga social media accounts, online memberships, passwords, automatic payments, at iba pa. Sinisiguro rin nilang alam ng pamilya kung ano ang gagawin sa mga ito, ayon sa kahilingan ng kliyente.
Isa lamang ito sa mga makabagong hanapbuhay na maaaring magbigay sa atin ng ideya tungkol sa mga posibilidad sa nagbabagong panahon. Kung bubuksan natin ang ating mga mata at pag-aaralan ang mga makabagong kalakaran, siguradong marami pa tayong makikitang mga oportunidad para sa pag-unlad.
Comments are closed.