TRABAHO SA K-12 GRADS, GAGAWING CONTRACT TRACERS VS COVID-19

Senador Win Gatchalian-4

UPANG mapunan ang pangangailangan ng bansa sa mga contact tracer sa gitna ng pan­ demya, hinimok ni Senador Win Gatchalian ang pamahalaan na tanggapin ang mga nagtapos sa programang K to 12 para sa mga trabahong ito.

Bagama’t layon ng K to 12 na mapadali ang pagkakaroon ng trabaho pagka- graduate ng mga estudyante, ipinaliwanag ni Gatchalian na mas mahirap para sa mga bagong nagtapos na makahanap ng mapapasukan dahil sa naging epekto ng pan­demya sa ekonomiya.

Ngunit kung bibigyan ang mga graduate na ito ng trabaho bilang contact tracers, mapalalakas na ng pamahalaan ang mga hakbang nito na mahanap ang mga nahawaan ng COVID-19, makatutulong pa ang mga trabahong ito sa mga kabataan at mga pamilya nila, lalo na ang mga naghihikahos, bunga ng pandemya.

Noong nakaraang Mayo, inanunsiyo ng Department of Health (DOH)  na nanga­ngailangan ang bansa ng may 94,000 contact tracers.

Bagama’t importanteng may pagsasanay o nagtapos sa isang allied medical course ang isang contact tracer, ang suhestiyon ni Gatchalian ay payagan din ang mga nagtapos ng K to 12 na mag-apply at pumasok sa mga trabahong ito. Ginawa niyang halimbawa ang Estados Unidos kung saan may mga contact tracer na hindi nakapagtapos ng kolehiyo.

“Dalawa ang magagawa natin: makapagbibigay tayo ng trabaho sa mga kabataan at mapalalakas natin ang mga hakbang upang mahanap ang mga may sakit ng COVID-19,” ani Gatchalian, chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture.

Dahil sa pagsasara ng mga paaralan at pagbagsak ng mga negosyo, iniulat ng International Labour Organization (ILO) noong Mayo na mas matindi ang naging epekto ng pandemya sa mga kabataang may edad na 15 hanggang 24.

Sa Labor Force Survey ng Philippine Statistics Authority ( PSA)  noong  Enero, lumalabas na 16.9 porsiyento ng mga kabataan na may edad 15 hanggang 24 ang hindi nag-aaral, nagtatrabaho, at dumadaan sa training. Noong buwan ng Abril, umakyat ito sa 25.3 porsiyento.

Paliwanag naman ng ILO, ang mga trabahong may kinalaman sa testing and tracing o T&T ay maaaaring ibigay sa mga kabataan, pati na rin sa mga grupong lubos na naapektuhan ng pan­demya.

“Kung bibigyan natin ng trabaho bilang contact tracers ang ating mga kabataan, kabilang na ang ating mga K to 12 graduates, hindi lamang natin sila mabibigyan ng solusyon sa mga hamong kinakaharap nila. Magiging bahagi rin sila ng solusyon upang makabangon ang ating bansa mula sa pinsalang dulot ng COVID-19,” pagtatapos ni Gatchalian. VICKY CERVALES

Comments are closed.