UMAASA si Senador Joel Villanueva na tatalakayin ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang ika- 5 State of the Nation Address (SONA) sa Hulyo 27 ang intensiyon ng gobyerno na mabigyan ng trabaho ang milyon-milyong Filipino at mga over seas Filipino worker na naging jobless dahil sa COVID-19 pandemic.
Ayon kay Villanueva, dapat na tugunan ng Pangulo ang nasabing isyu dahil base sa datos, umaabot na sa 17.7% ang unemployment rate na pinakamataas sa rekord kung saan 7.3 milyong indibiduwal ang nawalan ng trabaho, base sa April 2020 labor force survey.
Paliwanag pa ng senador na chairman ng Committee on Labor, Employment and Human Resource Development, mahalagang matalakay ang plano ng gobyerno kung paano tutugunan ang problema sa kawalan ng trabaho ngayong pandemya habang wala pang bakuna laban sa virus .
Nanawagan din si Villanueva sa gobyerno na magtatag ng epidemiological monitoring at surveillances sa mga lugar na mataas ang economic activity tulad ng Metro Manila, Calabarzon at Cebu para mapigilan ang pagkalat ng COVID-19 sa mga manggagawa at makapagbukas ang ekonomiya sa naturang mga lugar.
Dapat din aniyang tiyakin ng pamahalaan na ang mga pinauwing OFW na nawalan ng trabaho sa ibang bansa ay mabigyan ng sapat na tulong para makapagsimula ulit sa gitna ng pandemya. LIZA SORIANO
Comments are closed.