TRADE, AGRI TIES PALALALIMIN NG PH, CHILE

TUMUTUKLAS ang Pilipinas at Chile ng mga paraan upang palalimin pa ang ugnayan sa ilang larangan, kabilang ang agrikultura, kalakalan at pamumuhunan.

Nakipagpulong si Chilean Foreign Minister Alberto Van Klaveren, na nasa Manila para sa isang official visit, sa kanyang counterpart na si Foreign Affairs Secretary Enrique Manalo nitong Biyernes.

Sinabi ng Department of Foreign Affairs (DFA) na tinalakay ng dalawa ang iba’t ibang isyu, kabilang ang bilateral trade and investment, agriculture, disaster risk reduction and management (DRRM), maritime cooperation, at tourism.

Binigyang-pansin ng dalawang opisyal ang positibong kaganapan sa posibleng free trade agreement sa pagitan ng dalawang bansa.

Opisyal na inilunsad ng Pilipinas at Chile nitong Biyernes ang negosasyon sa Philippine-Chile Comprehensive Economic Partnership Agreement (CEPA), na kung magiging matagumpay ay magiging una sa pagitan ng Pilipinas at ng isang Latin American country.

Bukod dito, inalala ng ministers ang ASEAN-Pacific Alliance Ministerial Meeting, kung saan co-chairman ang mga ito, sa New York City noong nakaraang September.

Sa naturang pagpupulong, nagkasundo ang dalawang opisyal na bigyang prayoridad ang mga aktibidad na may kinalaman sa siyensiya, teknolohiya, at inobasyon; smart cities at connectivity; at kapaligiran..

Ayon sa DFA, ang pagbisita na ito ay senyales ng commitment ng Chile na isulong ang ugnayan nito sa Pilipinas. ULAT MULA SA PNA