TRADE DEFICIT NG PH LUMAKI ($4.87–B noong Hulyo)

PSA-4

LUMOBO ang trade deficit ng bansa noong Hulyo, ayon sa preliminary data mula sa Philippine Statistics Authority (PSA).

Sa datos ng PSA, ang trade-in-goods balance — ang pagkakaiba sa pagitan ng exports at imports — ay nagtala ng $4.87 billion deficit noong Hulyo, mas malaki kumpara sa $4.32-billion shortfall noong Hunyo at sa $4.12 deficit sa kaparehong buwan noong nakaraang taon.

Ito na ang pinakamalaking trade gap sa loob ng 16 buwan o magmula nang maitala ang $5.02-B noong March 2023.

Ang total external trade in goods ay tumaas ng 4.5% noong Hulyo sa $17.37 billion mula $16.616 billion sa kaparehong panahon noong nakaraang taon. Ang pagtaas ay isang improvement mula sa dalawang magkasunod na buwan ng pagbaba, at mula 11.1% at 10% pagbaba na naitala noong June 2024 at July 2023, ayon sa pagkakasunod.

Makaraang bumaba noong Hunyo, ang imports, na bumubuo sa 64% ng kabuuan, ay nagposte ng 7.2% year-on-year growth noong Hulyo sa $11.12 billion.

Sa kabila nito, ang imports mula Enero hanggang Hulyo 2024 ay bumaba ng 1% sa $72.57 billion mula $73.33 billion sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.

Kasunod ng dalawang sunod na buwan na pagbaba, ang exports ay bahagyang tumaas ng 0.1% noong Hulyo sa $6.249 billion mula $6.246 billion sa kaparehong buwan noong nakaraang taon.

Mula Enero hanggang Hulyo 2024, ang exports ay nagkakahalaga ng $42.66 billion, tumaas ng 2.6% mula $41.58 billion sa kaparehong panahon noong 2023.

Ang electronic products ay nanatiling top import at export commodity ng bansa noong Hulyo.

Nagkakahalaga ito ng $2.53 billion o 22.8% ng total import bill, sumunod ang mineral fuels, lubricants and related materials sa $1.44 billion (12.9%), at transport equipment sa $1.03 billion (9.2%).

Ang electronic products ay bumubuo naman sa 52.1% o $3.25 billion ng total export bill, sumunod ang other manufactured goods na may $421.25 million (6.7%), at other mineral products na may $259.93 million (4.2%).

Ang China pa rin ang pinakamalaking supplier ng bansa ng imported goods na nagkakahalaga ng $3.08 billion o 27.7% ng total imports noong July 2024.

Ang apat na iba pang top import sources ay ang Indonesia, $947.55 million; Japan, $893.54 million; South Korea, $810.32 million; at US, $675.58 million.

Samantala, ang US ang top export destination noong Hulyo, na may $1.06 billion o share na 16.9% ng kabuuan. Sumunod ang Japan na may $872.43 million, China ($791.29 million), Hong Kong ($744.82 million), at South Korea ($305.17 million).