BUMABA ang trade deficit ng Pilipinas ng 27 percent sa $3.51 billion noong Setyembre, ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA).
Ang trade deficit ng bansa noong Agosto ay nasa $4.13 billion.
Sa datos ng PSA, ang total exports ay umabot sa $6.73 billion noong Setyembre, bumaba ng 6.3 percent mula sa $7.18 billion na naitala sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.
Dahil dito, ang total export earnings mula January hanggang September 2023 ay nasa $54.54 billion, mas mababa ng 6.6 percent kumpara noong nakaraang taon.
Ayon sa PSA, ang major export trading partners ng bansa ay kinabibilangan ng United States, China, Japan, Hong Kong, at Korea.
Samantala, ang total value ng imported goods noong Setyembre ay nagkakahalaga ng $10.24 billion, bumaba ng 14.7 percent mula sa $12.01 billion sa kaparehong buwan noong 2022.
Sa datos ng PSA, mula Enero hanggang Setyembre ngayong taon, ang total import value ay umabot sa $94.36 billion, mas mababa ng $105.6 billion kumpara sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.
Ang China ang pinakamalaking supplier ng imported goods ng bansa sa $2.63 billion, o 25.6 percent ng total imports ng bansa noong Setyembre.
Ang iba pang major import partners ng bansa ay ang Indonesia, Thailand, Japan at Korea.
Para sa buwan ng Setyembre, ang total external trade in goods ay nasa $16.97 billion, bumaba ng 11.6 percent mula sa $19.19 billion na naitala sa kahalintulad na panahon noong 2022.