TRADE DEFICIT NG PH LUMIIT ($4.76-B noong Abril)

BUMABA ang trade deficit ng bansa noong Abril sa likod  mas mabilis na paglago sa exports kaysa imports sa naturang buwan, ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA).

Sa datos na inilabas ng PSA ay lumitaw na ang external goods trade balance ng bansa  — ang pagkakaiba sa pagitan ng halaga ng exports at imports— ay may shortfall na $4.76 billion, mas mababa ng 1.5% kumpara sa $4.832-billion deficit na naitala noong April 2023.

“A deficit indicates that the value of a country’s imports exceeded export receipts, while a surplus indicates more export shipments than imports,” paliwanag ng PSA.

Ang total value ng imported goods na pumasok sa bansa ay nagkakahalaga ng $10.976 billion, tumaas ng 12.6% mula $9.748 billion year-on-year.

Samantala, ang export receipts ay lumago ng 26.4% sa $6.215 billion mula $4.916 billion sa kaparehong buwan noong nakaraang taon,

Kung pagsasamahin ang exports at imports, ang total external trade ng bansa ay nasa $17.192 billion noong Abril, tumaas ng 17.2% mula $14.664 billion noong nakaraang taon.

Pagdating sa exports, ang commodity group na may pinakamataas na annual growth noong Abril ay ang electronic products na nagkakahalaga ng $3.567 billion, tumaas ng $891.83 million year-on-year.

Pumangalawa ang coconut oil na may  annual increment na $125.28 million sa $192.03 million mula $66.75 million noong nakaraang taon.

Ang iba pa sa top five export products ng Pilipinas noong Abril ay ang mineral products, manufactured goods, at machinery and transport equipment na nagkakahalaga ng $80.64 million, $52.34 million, at $41.96 million, ayon sa pagkakasumod-sunod.

Ayon pa sa datos ng PSA, ang Hong Kong ang top trading partner ng bansa na may export value na  $1.027 billion at bumubuo sa 16.5% ng total exports ng Pilipinas noong Abril.

Sumunod ang United States na may $948.43 million na halaga ng Philippine exports sa nasabing buwan, na bumubuo sa 15.3% ng kabuuan.

Kumumpleto sa  top 5 goods destination countries noong Abril ang Japan, China, at Korea na may export values na nagkakahalaga ng $823.27 million (13.2% share), $702.02 million (11.3% share), at $314.59 million (5.1%), ayon sa pagkakasunod-sunod..

Samantala, ang top imports ng Pilipinas ay ang electronic products sa $2.318 billion, tumaas ng $191.05 million mula $2.127 billion noong April 2023.

Ang mineral fuels, lubricants and related materials ang top 2 imports ng bansa na nagkakahalaga ng  $1.664 billion, tumaas ng $129.01 million mula $1.535 billion noong nakaraang taon.

Ang iron and steel; cereals and cereal preparation; at medicinal and pharmaceutical products ang kumumpleto sa  top 5 imports ng Pilipinas noong Abril na may kaukulang halaga na $113.05 million, $87.98 million, at  $80.12 million, ayon sa pagkakasunod-sunod.

Ang China ang pinakamalaking supplier ng bansa ng imported goods na nagkakahalaga ng $3.15 billion o 28.7% ang  total imports ng bansa noong Abril.

Ang kumumpleto sa limang major import trading partners ng bansa noong Abril ay ang Indonesia sa $959.21 million (8.7% share), Japan sa $909.54 million (8.3% share), Korea sa $743.11 million (6.8% share), at  US sa $726.20 million (6.6% share).