TRADE DEFICIT NG PH LUMIIT ($4.767-B noong Nobyembre)

BAHAGYANG bumaba ang trade deficit ng bansa noong nakaraang Nobyembre, ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA).

Sa datos na inilabas nitong Huwebes ay lumitaw na ang balance of trade in goods o ang pagkakaiba sa pagitan ng halaga ng exports at imports ay nagposte ng deficit na USD4.767 billion noong November 2024, bahagyang bumaba mula USD4.769 billion noong November 2023.

Ang total export sales ng bansa ay nagkakahalaga ng USD5.69 billion, bumaba ng 8.7 percent mula USD 6.23 billion total export sales sa kaparehong buwan noong nakaraang taon.

Ayon sa PSA, ang electronic products, cathodes and sections of cathodes, of refined copper ang nagtala ng pinakamalaking pagbaba sa exports value.

Sa commodity group, ang electronic products ay nanatiling top exports ng bansa noong Nobyembre na may total earnings na USD2.79 billion o 48.9 percent ng total exports ng bansa.

Sinundan ito ng iba pang manufactured goods na may export value na USD420 million, at machinery and transport equipment na may USD245.61 million.

Ayon sa PSA, ang exports sa United States ang bumubuo sa pinakamalaking export value na nagkakahalaga ng USD969.09 million.

Ang iba pang major export trading partners ay kinabibilangan ng Japan, People’s Republic of China, Hong Kong, at Singapore.

Samantala, bumaba ang imports ng 4.9 percent sa USD10.46 billion mula USD11 billion noong 2023.

“In November 2024, the commodity group with the highest annual decrement in the value of imported goods was mineral fuels, lubricants and related materials with USD421.88 million. This was followed by transport equipment, which decreased by USD352.70 million, and miscellaneous manufactured articles with an annual decline of USD68.87 million,” ayon sa PSA.

Ang electronic products ang nagtala ng pinakamalaking import value na nasa USD2.46 billion.

Ang People’s Republic of China ang pinakamalaking supplier ng bansa ng imported goods na nagkakahalaga ng USD2.82 billion, na bumubuo sa 27 percent ng total imports ng bansa noong November 2024.

Ang iba pang major sources ng imports ay ang Indonesia, Japan, Republic of Korea, ar United States.