TRADE DEFICIT NG PH LUMOBO ($5.8-B noong Oktubre)

LUMAKI ang trade deficit ng bansa noong Oktubre makaraang magtala ang imports ng double-digit growth habang ang exports ay patuloy na bumaba, ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA).

Sa preliminary data mula sa PSA ay lumitaw na ang trade-in-goods balance ng bansa — ang pagkakaiba sa pagitan ng exports at imports — ay may deficit na $5.8 billion noong Oktubre, tumaas ng 36.8% mula $4.24-billion deficit sa kaparehong buwan noong nakaraang taon.

Month on month, ang trade gap ay lumobo ng 13.8% mula sa revised $5.1 billion noong Setyembre.

Ang trade deficit noong Oktubre ang pinakamalaki sa loob ng 26 buwan o magmula nang maitala ang $5.99-billion gap noong August 2022.

Para sa unang 10 buwan ng taon, ang trade deficit ay lumaki ng 3.6% sa $45.22 billion mula $43.64-billion gap noong nakaraang taon.

Ang halaga ng exports ay bumaba sa ikalawang sunod na buwan noong Oktubre, bumagsak ng 5.5% year on year sa $6.16 billion mula $6.52 billion noong nakaraang taon. Noong Setyembre, ang exports ay bumaba ng 7.6%.

Ang export haul noong Oktubre ang pinakamababang level magmula nang maitala ang $5.57 billion noong Hunyo ngayong taon.

Para sa unang 10 buwan ng taon, ang exports ay umabot sa $61.83 billion, tumaas ng 0.4% mula $61.6 billion sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.

Samantala, ang merchandise imports ay tumaas ng 11.2% sa $11.96 billion noong Oktubre mula $10.76 billion noong nakaraang taon. Ito ang ika-4 na sunod na buwan na tumaas ang imports at ang pinakamabilis na paglago magmula nang maitala ang 13% noong Abril.

Ang import value noong Oktubre ang pinakamataas na lebel sa loob ng 25 buwan o magmula noong September 2022 nang maitala ang $12.01 billion.

Year to date, ang imports ay tumaas ng 1.7% sa$107.05 billion.

Ngayong taon, inaasahan ng Development Budget Coordination Committee (DBCC) ang 4% at 2% na paglago sa exports at imports, ayon sa pagkakasunod.