CAVITE – BISTADO ang pagiging narco courier ng 24-anyos na trader matapos itong makumpiskahan ng 5 kilong pinatuyong dahon ng marijuana sa inilatag na buy-bust operation ng pulisya at PDEA 4A sa Brgy. Molino 1, Bacoor City nitong Lunes ng hapon.
Kasong paglabag sa RA9165 ang kakaharapin ng suspek na si Eadric Lawrence Forcadilla Canceran ng Progressive 18 sa Brgy. Molino 1, Bacoor City, Cavite.
Base sa police report mula sa Camp Pantaleon Garcia, nakatanggap ng impormasyon ang Bacoor Drug enforcement unit kaugnay sa drug trade ng suspek sa nasabing barangay.
Kaya isinailalim sa surveillance at nang magpositibo ay inilatag ang buy-bust operation ng Bacoor DEU katuwang ang PDEA 4A kung saan nagpanggap na poseur-buyer ang isang pulis sa marijuana transaksyon laban sa suspek.
Dito na nasakote si Canceran matapos na makipag-deal sa kausap na poseur-buyer kung saan nasamsam ang 10 pirasong marijuana bricks na tumitimbang na 5 kilo na may street value na P600-K, botelya ng vape juice na may marijuana oil, cellphone, driver’s license at marked money na ginamit sa buy-bust operation.
Isinailalim sa drug test ang suspek bago bitbitin sa police detention facility habang pina-chemical analysis naman ang 5 kilong marijuana na gagamitin sa inquest proceeding sa Cavite Provincial prosecutors Office. MARIO BASCO