CAVITE- Dead on arrival sa pagamutan ang isang taong gulang na batang babae matapos na pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang gunman ang ama nitong negosyante nitong Miyerkules ng umaga sa Barangay Tanauan, Tanza sa lalawigang ito.
Sa report ni Lt. Col. Willy Salazar, Tanza police chief kay BGen. Paul Kenneth Lucas, Calabarzon police director, nakilala ang biktima na si ” Baby Loren”, anak ng negosyanteng si Marvin Cortez, 47-anyos, construction na tinamaan ng bala sa leeg na tumagos sa bata.
Base sa ginawang imbestigasyon ng Tanza police, bumibili umano ng prutas si Cortez kalong ang anak nang lapitan ng suspek at agad na pinaputukan sa leeg.
Sa kasamaang palad, lumusot ang bala mula sa kanang bahagi ng leeg ni Cortez at tumama sa anak na kalong kalong nito.
Ayon kay Sgt.Anthony Macario, may hawak ng kaso, matapos ang pamamaril, mabilis na tumakas ang gunman sakay ng motorsiklo samantalang mabilis naman naisugod si Baby Loren sa General Emilio Aguinaldo hospital na namatay habang nilalapatan ng lunas.
Itinakbo naman sa MV Santiago Medical Hospital si Cortez na ngayo’ y nasa maayos ng kalagayan.
Sinasabing away sa negosyo ang motibo sa nasabing pamamaril.
ARMAN CAMBE