LAGUNA -MAGKAKAHIWALAY na pinaslang ang tatlo katao na kinabibilangan ng isang kilalang negosyante, company manager at 77-anyos na Lola sa lalawigang ito.
Batay sa inisyal na ulat ni Laguna PNP Public Information Officer (PIO) PLt. Col. Chitadel Gaoiran, nakilala ang biktimang sina Manolito Escudero y De Leon, 61-anyos, may asawa, negosyante, residente ng #92 Brgy. Sto Nino San Pedro City; George Parucha Sudario, tumatayong Manager ng Zendengen Company, Nuvali Circle, Sta. Rosa, City at Lola na si Barbara Cynthia Fernandez, hiwalay sa asawa, residente ng Brgy. Ibabang Sungi, Liliw, Laguna.
Ayon sa ulat, inambus at napatay ng riding in tandem criminals habang patungo sa kanyang tanggapan si Escudero sa Atienza Compound, National Highway, Brgy. Nueva San Pedro City bandang alas-8:40 ng umaga dahilan ng kanyang maagang kamatayan habang ang biktimang si Sudario ay tinambangan naman habang lulan sa kanyang minamanehong Hyundai Santa Fe sa Brgy. Pittland, Cabuyao, City dakong alas-4:30 ng hapon nitong Huwebes.
Samantala, tinadtad naman ng bala mula sa kalibre 45 baril na ginamit ng hindi pa nakikilalang suspek habang nanonood ng telebisyon ang biktimang si Fernandez kasama ang kanyang apong lalaki sa bayan ng Liliw, Laguna bandang alas-7:30 ng gabi nito rin Huwebes na agad nitong ikinamatay.
Sinasabing nagtamo ng tinatayang nasa 10 bala ng kalibre 45 baril si Fernandez sa kanyang katawan base na rin sa narekober ng pulisya na mga basyo ng baril sa lugar.
Kaugnay nito, patuloy na nagsasagawa ng follow up operation ang pulisya sa naganap na magkakahiwalay na insidente ng pamamaslang para sa agarang pagkakakilanlan at ikadarakip ng mga suspek na responsable sa krimen. DICK GARAY
Comments are closed.