DAVAO DEL NORTE – NASAWI ang isang negosyante makaraang malunod sa kalaliman ng dagat habang nag-scuba diving sa private resort sa Brgy. Aundano, Island Garden City of Samal (Igacos), noong Linggo ng umaga.
Kinilala ng Igacos-PNP ang biktima na si Lorynold Pangilinan Posesano ng Hillside Subdivision, Brgy. Lanang, Davao City.
Sa imbestigasyon ng pulisya, lumilitaw na nasa 90 ft. na lalim ang biktima ng magbigay ito ng senyales sa mga kasamahan na nais na nitong umahon sa ilalim ng dagat sabay pag-agaw sa oxygen regulator ng kanyang kasamahan.
Naalarma umano ang mga kasama nito kaya pinagtulungang sagipin at inihaon sa dagat.
Mabilis na isinugod ang biktima sa Davao del Norte District Hospital-Samal Zone subalit idineklarang patay dakong alas-6:30 ng gabi. MHAR BASCO
Comments are closed.