TRADER NINAKAWAN NG KASAMBAHAY

CAVITE – NALIMAS ang mga alahas at pistola ng isang real estate developer makaraang pagnakawan ng kanyang kasambahay sa Barangay Mambog 2, Bacoor City kamakalawa ng gabi.

Dumulog sa himpilan ng pulisya para magreklamo ang biktimang si Renezel Arizala y Pedraza, 40-anyos ng Citta Italia Subdivision sa nasabing Barangay.

Kasalukuyang nasa police detention facility ang mga suspek na sina Charlita Antiporta y Tero, 44-anyos at John Alvin “Jeff” Ancheta y Piguerra, 22-anyos, tubong Brgy. San Antonio, San Agustin, Isabela, kapwa stay- in-worker sa ongoing construction site sa Brgy. Bayang Luma 8, Imus City, Cavite.

Base sa police report mula sa Camp Pantaleon Garcia, lumilitaw na bandang alas-9:30 ng umaga nang umalis ang biktima sa kanyang bahay upang matungo sa nasabing construction site ng subdivision sa Brgy. Luma 8, Imus Cavite.

At nang umuwi ang biktima ay napansin nitong nakabukas ang likurang pintuan ng kanyang bahay kaya’t dali-dali itong nagtungo sa kanyang kuwarto at natuklasang nawawala ang assorted gold jewelries nito na nagkakahalaga ng P250K at cal. 45 pistol ( Armscor).

Hinala ng biktima na nagsabwatan ang kanyang kasambahay na si Charlita at live-in-partner nitong si John sa pagnanakaw dahil pinagkatiwala nito sa kanila ang susi ng kanyang bahay.

Ayon kay Cpl Edilberto Reyes Jr., agad na nagsagawa ng follow-up operation ang pulisya kaya nasakote ang mga suspek na nahaharap sa kasong robbery. MARIO BASCO