CAVITE – KAMATAYAN ang sinapit ng 48-anyos na lady trader matapos barilin ng 3 kabataan na sinasabing lango sa droga na nag-amok at namaril sa bahagi ng Phase 5, Brgy Paliparan 3, Dasmariñas City, Cavite kamakalawa ng gabi.
Napuruhan sa dibdib ang biktimang si Rebecca Fuentes y Balancar at nakatira sa Blk 211 Lot 1 Phase 5 sa nabanggit na barangay.
Samantala, tinutugis na ng mga operatiba ang suspek na sina Arguelles Acsaba Kevin; alyas Onyok at isang Gerald na pawang nakatira sa Blk 210 Lot 13, Phase 5 Brgy. Paliparan 3 Dasmariñas City, Cavite.
Sa inisyal na police report na nakarating sa Camp Pantaleon Garcia, lumilitaw na nakaupo sa labas ng kanyang bahay ang biktima nang mag-amok at mamaril ang mga suspek na sinasabing lango sa droga.
Sa hindi inaasahang pagkakataon ay tinamaan sa dibdib ang biktimang nakaupo sa labas ng kanyang bahay habang mabilis naman nagsitakas ang mga suspek bitbit ang ginamit na baril.
Gayunpaman, naisugod sa Dasmariñas Hospital ang biktima subalit idineklarang patay ng doctor habang nagpapatuloy ang imbestigasyon. MHAR BASCO