COTABATO- PATAY ang isang negosyante nang tamaan ng ligaw na bala sa naganap na pamamaril sa lalawigang ito.
Nakilala ang nasawi na si Esmail Raja Alam Asnor, 23-anyos, may asawa, negosyante at residente ng Kidapawan City.
Samantalang, sugatan naman ang target sa pamamaril na si Nasrudin Usman Guiamadin, 27-anyos,may asawa, magsasaka at residente ng Barangay Bualan Pikit, North Cotabato.
Sa ulat kay Pikit Police chief Capt. Mautin Pangandigan, habang bumibili ng underwear si Guiamadin kasama ang kanyang asawa sa public market sa bayan ng Pikit Cotabato ay bigla na lamang itong pinagbabaril ng salarin gamit ang kalibre.45.
Agad na tumakas ang suspek sakay ng motorsiklo sa naghihintay nitong kasama sa labas ng palengke.
Tinamaan si Guiamadin sa ibat-ibang parte ng kanyang katawan at nasapol din ng bala sa dibdib ang negosyante na nakaupo lamang sa harap ng tindahan.
Dinala agad sa Cruzado Medical Hospital ang dalawang sugatan ngunit binawian ng buhay si Asnor habang nasa kritikal na kondisyon si Guiamadin.
Blangko pa ang mga awtoridad sa motibo sa pamamaril sa mga biktima at patuloy pa silang nag-iimbestiga.
Comments are closed.