TRADERS, GOV’T EXECS SABIT SA ONION SMUGGLING

SINAMPAHAN ng National Bureau of Investigation (NBI) ng reklamo ang anim na indibidwal na sangkot umano sa onion smuggling sa bansa.

Sa ulat ng CNN Philippines, sinabi ng Department of Justice (DOJ) na kabilang ang government officials sa mga respondent na nahaharap sa profiteering at hoarding complaints.

“Kasama and mga opisyal ng gobyerno dito sapagkat ang tingin namin sila ay lumalabas na merong sala sa pagkakataong ito,” wika ni DOJ Secretary Jesus Crispin Remulla.

Ipinaliwanag ni DOJ Usec. Geronimo Sy na ang reklamo ay nag-ugat sa pagbebenta ng nasa 8,000 bags ng sibuyas sa government-owned and controlled corporation Food Terminal Inc. (FTI) ng isang private cooperative noong December 2022.

Batay sa report, natuklasan ng NBI na ang bawat bag ay naglalaman ng 25 kilograms at ang presyo ng kada kilo ay lumagpas ng ₱500 gayong ang farmgate prices ng sibuyas noong panahong iyon ay mas mababa sa ₱20.

“Ang bentahan sumobra ng ₱500. Ang sabi, walang stock pero nung kinontrata ng P500 plus per kilo, nagkaroon ng stock,” sabi ni Sy.

Aniya, ang mga respondent ay nahaharap din sa mga reklamo na may kaugnayan sa mga palsipikadong dokumento na isinumite sa bidding process.

Ayon sa DOJ official, ang strategy ng mga respondent ay ang magsumite ng tatlong proposals sa bidding, dalawa rito ay fictitious, na nagbigay-daan para magwagi ang preferred bidder.

Dagdag pa niya, ₱134 million mula sa Department of Agriculture (DA) ang sangkot sa kaso.

Hindi naman pinangalanan ng DOJ ang mga respondent upang hindi ma-preempt ang ebalwasyon ng prosecutors.

Sinabi ng Justice chief na ang reklamong isinampa ng NBI ay una pa lamang sa maraming kaso na ihahain kaugnay sa hoarding at smuggling ng sibuyas na nagresulta sa pagsipa ng presyo nito sa hanggang P700 kada kilo noong late 2022.

“Ito’y isa pa lang sa mga kasong fina-file at dine-develop ng DOJ. There will be other cases that will be filed,” sabi ni Remulla. “Marami pa kaming tinitingnan na violations na considered na economic crimes. Ito’y simula pa lang — hanggang sa maging malinaw sa lahat na hindi pwede ang ginagawang price manipulations sa merkado.”