TRADISYON AT KAUGALIANG PINOY, SINUSUNOD PA RIN BA O KINALIGTAAN NA?

SA MABILIS na paglakdaw ng panahon, bumibilis din ang teknolohiya. Marami nang mga bagay-bagay ang naiimbento na makatutulong upang mapagaan ang pamumuhay ng bawat isa sa atin. Mga bagay o gadget na kinawilihan na rin nating gamitin.

Pero sa kabila ng mabilis na paglakdaw ng oras at sandali, nananatili pa rin ang mga tradisyon at paniniwala ng bawat Pinoy na minana pa natin sa ating mga ninuno. Mga tradisyon at kaugalian o nakasanayan na magpahanggang ngayon ay sinusunod natin.

Narito ang ilan sa kaugalian at paniniwala na patuloy na buhay na buhay sa bawat Pinoy:

PAGMAMANO

Ang pagmamano ay kadalasang ginagawa ng mga kabataan o mga bata sa mas nakatatanda sa kanila. Isa itong paggalang. Sa ngayon, marami pa rin ang guma­gawa nito. Tunay nga namang hindi ito dapat na mawala sa ating mga Pinoy. Pero may ilan, dahil na rin siguro sa nakikisabay ang marami sa mabilis na agos ng buhay, imbes pagmamano ay pagbeso o paghalik sa pisngi ang kanilang ginagawa sa mga nakatatanda sa kanila.

PAGGAMIT NG PO AT OPO

Isa rin sa nakaugalian ng marami ang paggamit ng po at opo. Nakasana­yan na nga naman ito ng mgaOPO kabataan at sa kanilang pagtanda ay nadadala nila. Naituturo rin nila sa kanilang mga anak. Tanda rin ito ng paggalang at respeto sa mga nakatatanda.

PAGIGING MAPAGPAKUMBABA

Natatandaan ko rin dati na laging sinasabi ng mga magulang ko at maging ng mga nakatatanda na maging mapagpakumbaba. Kumbaga, anuman ang maabot sa buhay, manatiling nakatapak ang paa sa lupa.

Sa katunayan, wala namang karapatan ang kahit na sinong magmayabang ano’t anupaman ang maabot niya sa buhay. Kasi habang nakatapak ang ating mga paa sa lupa, lalo lamang tayong lalapitan ng biyaya.

KAPAG NASA KUSINA

At kung mayroon man tayong mga nakaugalian, aba, mayroon ding mga paniniwalang kinalakihan na natin.

Kapag nasa kusina, palaging sinasabi rin sa akin noon na huwag na huwag daw kumanta sa harap ng kalan dahil may masamang mangyayari. Hindi ko alam kung totoo ang kasabihang ito ngunit nakaugalian ko na ang hindi pagkanta kapag nasa harap ng kalan o habang nagluluto.

Bawal din daw kumanta sa hapag-kainan o sa harap ng pagkain. Kawalan umano ito ng respeto sa grasyang nasa harapan. At ang isa pa sa hindi ko makaligtaan ay ang hindi pagtayo sa kainan o lamesa kung may isa pang miyembro ng pamilya ang hindi pa nakatatapos kumain. Hindi raw kasi ito makapag-aasawa.

HUWAG ISUSUKAT ANG DAMIT PANGKASAL

kasalHindi lamang sa mga palabas natin napapanood o naririnig ang kasabihang “huwag daw isusuot o isusukat ang damit pangkasal dahil hindi raw ito matutuloy”. Bawal din daw magkita ang dalawang ikakasal bago sila magpatali sa isa’t isa o humarap sa altar.

Marami ang sumusunod sa kasabihang ito o nakagawian. Gayunpaman, hindi ko rin naman masabi kung totoo ngang nangyayari ito. May iba’t iba tayong pa­lagay at pagtingin dito. Pero kadalasan sa mga nagpapakasal ngayon ay excited na suotin at isukat ang kanilang traje de boda. At maraming ikakasal ang hindi papayag na hindi ito maisukat. Paano nga naman kasi kung hindi ito magkasya sa araw ng kasal? Siyempre, gustong-gusto pa naman nilang ma­ging maganda at kakaiba ang natatanging araw na iyon.

Saka sa obserbasyon ko naman, maraming mga ikakasal na isinukat ang kanilang gown at natuloy naman ang kasal.

Siguro depende lang ito sa dalawang tao. Kasi kung nagmamahalan naman kayo, walang makapipigil sa inyong pag-iisang dibdib.

Pero ganoon pa man, wala rin namang masama kung nais itong sundin ng marami.

BAWAL MAGGUPIT NG KUKO SA GABI

May iba pang pamahiin na natatandaan kong sinasabi ng lola ko. Isa riyan ay bawal umanong maggupit ng kuko sa gabi. Dahil kapag ginawa raw ito ay uulanin ng malas. Ikalawa, huwag daw umanong magwawalis sa gabi upang hindi lumabas ang suwerte.

Nagbabago ang mundo. Ngunit sa patuloy na pagbabago nito, may mga nakasanayan o nakaugalian tayong gawi na magpahanggang ngayon ay pinaniniwalaan natin, kahit pa sabihing may mga pamahiin o nakagawian na wala namang batayan o nagsasabing mangyayari nga ang ganoon. Mayroon din namang iba na nawala na kasabay ng mabilis na paggalaw ng mundo.

Nakalimot na kumbaga. O mas maganda nga yatang sabihing kinalimutan na nila ang mga tradisyon at kulturang nagpasalin-salin at nagmula pa sa ating mga ninuno.  CT SARIGUMBA  (photos mula sa google)

Comments are closed.