(ni CT SARIGUMBA)
BUKOD sa Pasko, isa pa sa pinaghahandaan natin ay ang pagsapit ng Bagong Taon. Mas engrande at kasiya-siya ang ginagawa nating paghahanda mula sa lulutuing pagkain, mga suwerteng prutas, ayos ng tahanan at lalong-lalo na ang mga isusuot na pinaniniwalaan ng halos lahat ng Filipino ay magdadala ng suwerte sa buong taon.
Narito ang ilan sa pamihiin at tradisyong kinagisnan ng bawat isa sa atin:
PAGSUSUOT NG POLKA DOTS
Marami sa atin ang kinagisnan na sa tuwing sasalubungin ang Bagong Taon ay nagsusuot ng mga damit na ang disenyo ay polka dots o bilog-bilog. Ang pagsusuot ng bilog-bilog o polka dots na damit ay nangangahulugan ng pera at magbibigay ng suwerte sa buong taon.
PAGLALAGAY NG BARYA SA BULSA
Isa pa sa kinagisnan ng marami sa atin ay ang paglalagay ng barya sa bulsa at sa pagtuntong o pagsapit ng Bagong Taon ay buong lakas itong pinatutunog. Marami rin ang nagpapaagaw ng barya sa ganitong mga panahon.
Bukod din sa barya, isa pa sa pinaniniwalaang suwerte ng marami sa atin ay ang pagbibilang ng perang papel sa harapan ng pintuan. Sa ganitong paraan ay pinaniniwalaang papasok pa ang maraming pera sa darating na taon.
Kailangang gawin ang pagbibilang ng perang papel sa pagtuntong ng alas-dose ng gabi o eksaktong pagpapalit ng taon.
LABINDALAWANG BILOG NA PRUTAS
Hindi rin siyempre nawawala ang paghahanda ng labindalawang bilog na prutas. Nangangahulugan naman ito ng masagana at maunlad na pamumuhay sa loob ng isang taon. Ang bilog din na prutas ay nagangahulugan ng suwerte sa buong taon.
PAGHAHANDA NG KAKANIN
Isa rin sa hindi nawawalang handa sa Bagong Taon ay ang kakanin. Ang kakanin ay sumisimbolo naman sa pagiging close o dikit-dikit ng bawat miyembro ng pamilya.
Mayroon ding pamahiing mula sa mga Filipino-Chinese na ang pagkain na malagkit gaya ng kakanin ay pampasuwerte sa relasyon ng pamilya, dahil ito ay malagkit magiging ganoon din daw ang bonding ng pamilya.
Bukod din sa malagkit ay naghahanda rin ng pansit o spaghetti na nangangahulugan namang pampahaba ng buhay.
PAGTALON SA PAGTUNTONG NG BAGONG TAON
Isa pa sa ginagawa ng marami sa atin, lalong-lalo na ang mga bata ay ang pagtalon ng mataas sa pagsapit ng Bagong Taon. Pinaniniwalaan naman itong tatangkad sila sa kanilang paglaki.
PAG-IINGAY NANG MAWALA ANG MALAS
Maraming klase ng pampaingay ang puwede nating gawin ngayong Bagong Taon. Halimbawa na lang ang turotot o kaya naman ang pagkalampag ng mga kaldero at sandok.
Lahat ng klase ng pampaingay ay puwede nating gawin basta’t safe ito at hindi makasasakit ng kahit na sino.
Ang pag-iingay naman sa Bagong Taon ay pinaniniwalaang makapagpapawala ng malas. Sinasabi ring ito raw ay panakot at pinaaalis nito ang mga masasamang espiritu.
IIWASAN ANG PAGGASTOS O PAGBABAYAD NG UTANG
Isa naman sa dapat na iwasan sa Bagong Taon ay ang paggastos at ang pagbabayad ng utang. Kapag gumastos umano sa Bagong Taon ng kahit na maliit lang na halaga ay magiging daan upang gumastos nang gumastos sa buong taon.
Maraming kaugalian o nakasanayan ang bawat isa sa atin sa pagsalubong ng Bagong Taon.
Mga nakasanayan at minana pa natin sa ating mga ninuno. At kahit na ano pa man ang nakasanayan natin, mag-enjoy tayo at magsaya sa pagsalubong ng Bagong Taon. Sikapin din nating maging ligtas sa pagpapalit ng taon. (photos mula sa google)
Happy New Year.
Comments are closed.