TRADISYONAL AT ALTERNATIBONG PAGGAGAMOT NASA PAGSANJAN NA

BINUKSAN nitong Hunyo 21 ang ikalawang Traditional Complementary Alternative Medicine (TCAM) sa Calabarzon.

Sa ikatlong palapag ng Rural Health Unit ng Pagsanjan sa lalawigan ng Laguna matatagpuan ang bagong tayong TCAM na Public-PrIvate collaboration ng DOH-Regional Office Calabarzon, LGU at ng Alliance of Health Oriented Neighbors (AHON).

Matatagpuan dito ang mga modalities tulad ng Disease Prevention Analyzer (DPA) na nag-aanalisa sa katayuang kalusugan ng pasyente. Mayroon ding live blood analyzer kung saan makikita ang kalagayan ng dugo, body-age analyzer, body massage chair, foot massage at sauna.

Nagseserbisyo rin ng ventosa, acupuncture at herbal medicines sa pormang kapsula na.

Naging panauhin dito si dating DOH-Calabarzon Regional Director Dr. Eduardo Janairo na nagpasalamat kay Mayor Trinidad ng Pagsanjan na sumusuporta rin sa alternative medicine gayundin sa health workers.

Positibo si Janairo na kung ilalagay lamang sa ayos ang pangangalaga sa kalusugan sa pamamagitan ng pagpasok sa traditional at complementary medicine ay walang magkakasakit.

Binanggit nito ang paggamit ng nganga at bayabas para sa paglilinis ng mga ngipin noong unang panahon at maging ang acupuncture.

Ayon pa rito:”Medicine is your food and food is your medicine.”
Libre naman ang serbisyo ng TCAM sa unang dalawang buwan, na ayon sa presidente ng AHON na si

Joel Abalos ay upang maranasan ng mga residente rito at ng mga dayo ang husay ng tradisyonal at alternatibong paggamot.

Ang kauna-unahang TCAM-AHON ay itinayo sa Batangas City-Training Hospital.