HATI ang opinyon ng mga kasabong natin dahil habang ang iba sa kanila ay pabor sa online sabong, marami rin sa kanila ang ayaw dahil mas gusto pa rin nila ang tradisyunal na sabong, lalo na’t marami sa mga cockpit worker ang nawalan ng hanapbuhay simula nang magkapandemya.
Bago pa man bumalik sa Alert Level 3 ang Metro Manila, nagsagawa ng kilos-protesta ang ilang cockpit workers mula sa mga lalawigan ng Bulacan, Laguna, Rizal, Cavite at Metro Manila sa labas ng Kongreso sa Batasan, Quezon City upang hilingin sa gobyerno na ibalik na ang tradisyunal na sabong sa bansa.
Libo-libong manggagawa mula sa sabong industry ang nawalan ng trabaho simula nang isara ang mga sabungan dahil sa pandemya. Kaya naman apela nila sa gobyerno, payagan nang buksan ang mga sabungan at ibalik na ang tradisyunal na sabong.
Ayon sa Presidential Decree No. 449 or Cockfighting Law of 1974, bahagi na ng kulturang Pilipino ang sabong at pinananatili nito ang pambansang pagkakakilanlan ng mga Pilipino.
Nakaaapekto rin ito sa turismo ng bansa dahil ito ay isang pamana na dapat nating panatilihin at pagyamanin. Sa tradisyunal na sabong maski ‘yung mga hindi nakapagtapos ng pag-aaral at medyo may edad na ay nabibigyan pa ng trabaho.
Ngunit dahil sa online sabong ay nababalewala ang batas na nirerespeto ng mga mananabong. Ang online sabong ay gumagana 24 oras araw-araw, nakakapasok ang lahat ng may koneksiyon sa internet na kahit ang mga bata na wala pa sa wastong gulang ay marunong nang pumusta. Hindi nagagawa ng online sabong ang pagsunod sa batas kagaya ng tradisyunal na sabong.
Ang e-sabong ay kailangan pa rin ng mga empleyado, gaffer, referee, at sabungero mula sa iba’t ibang lugar upang magtrabaho at magpasok ng kanilang manok sa online sabong na maaaring magdulot ng pagtaas ng bilang ng nahawaan ng COVID-19 virus.
Ito rin ang dahilan kung bakit ipinahinto ang tradisyunal na sabong upang mabawasan ang pagtitipon ng mga tao. Walang kasiguraduhan kung ang mga dumadayo ay nakakaramdam ng sintomas ng sakit. Ang online sabong ay magiging social problem dahil 24/7 ang operasyon nito at sa dali ng proseso ng pagsali dito gamit ang cellphone, mobile data, at koneksiyon sa internet na salungat sa tradisyunal na sabong na tuwing okasyon o pista lang nagaganap.
Libo-libo ang nawalan ng kabuhayan sa pagtigil ng tradisyunal na sabong. Kung titingnan ang online sabong, pili ang mga manukan na nakakasali at limitado lang ito na kumpara sa tradisyunal na sabong na nakatutulong sa mga mananabong ng buong bansa. Ang mga may-ari ng sabungan na dati ay namamahala ng palaban ay nawalan na ng karapatan mamahala maliban na lang sa iilang mga may koneksiyon.
“Kami ay lumalapit sa inyo upang mabigyan ng liwanag ang pagpapatuloy ng tradisyunal na sabong sa new normal. Handa kaming makipagtulungan upang mapatibay ang tradisyon na minahal ng kulturang Pilipino na may gabay alinsunod sa kaligtasan ng mga tao ngayong pandemya. Alam namin ang kahalagahan ng kaligtasan ngunit aanuhin ba ang buhay kung walang hanapbuhay. Ang sabong ay laro na kumakatawan sa hanapbuhay, saya at pagkakaisa ng mga Pilipino huwag nating hayaang matabunan ito ng teknlohiya at kurapsyon sa halip ay piliin natin ang marangal at demokratikong tradisyon na nakapagbuklod sa masa ng bansa,” ayon sa grupo ng mga dating empleyado ng sabungan.
Handa umano ang grupo na sumunod sa safety protocols para sa kaligtasan ng mga mananabong at ng mga taong nakapalibot sa kanila.
Pero ngayong muli na namang hinigpitan ang quarantine restrictions at ay mas lalong malabong mangyari na muling makapag-operate ang mga sabungan sa bansa.