TRAHEDYA ‘DI HADLANG SA PAGTULONG SA KAPWA

Anton CT Pascual

PINATUNAYAN ng Santo Niño de Pandacan Parish na hindi hadlang ang trahedyang naranasan nila kamakailan upang lingapin ang mga higit na nangangailangan ng tulong, sa gitna ng krisis ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.

Sa pakikipagtulungan ng Caritas Manila, namahagi ng tulong ang parokya, na matatandaang tinupok ng sunog noong nakaraang buwan, para sa mga jeepney drivers na namamasada sa lugar na labis din ang pangangailangan dulot ng kawalan ng hanapbuhay sa nakalipas na halos anim na buwan mula nang magpatupad ng community quarantine sa bansa.

Nabatid na mahigit sa 100 jeepney drivers na pumapasada sa paligid ng Pandacan ang nakatanggap ng tulong, na kinabibilangan ng 10 kilong bigas, de lata, mga gamot at iba pa.

Pinasalamatan naman ni Rev. Fr. Anton CT Pascual, Executive Director ng social arm ng Archdiocese of Manila at pangulo ng church-run Radio Veritas, ang Panginoon at naging instrumento ang institusyon upang padaluyin sa mananampalataya ang mga biyayang kaloob.

“Nasunog na, tumutulong pa ang ating pinakamamahal na patron ng Santo Niño; nagpasalamat tayo sa Diyos at muli tayong ginamit ng Panginoon upang makapagbigay ng ayuda sa ating jeepney drivers; tayo ay instrumento ng Santo Niño upang matulungan ang mga drivers,” pahayag ni Fr. Pascual.

Ayon kay Fr. Pascual, patuloy ang pagkilos ng Caritas Manila kung saan target nitong matulungan ang sampung libong jeepney driver sa kalakhang Maynila.

Nais ng social arm ng simbahan na tulungang makapagtayo ng kooperatiba ang mga tsuper bilang long-term na tulong para sa kanilang kabuhayan at makabili ng bagong jeep ayon sa itinakda sa modernization program ng gobyerno.

Samantala, labis din ang pasalamat ni Rev. Fr. Sanny de Claro, ang kura paroko ng Santo Niño de Pandacan sa Caritas Manila na maging bahagi sa pamamahagi ng tulong sapagkat ito ay paraan din ng paghilom mula sa nakalulungkot na karanasan nang matupok ng apoy ang simbahan noong Hulyo 10.

“Nagpapasalamat ako sa Caritas Manila sa napakahusay na ginagawa sa community; you let us heal also sapagkat part ng healing process ay ang pagkakawanggawa,” ayon kay Fr. de Claro.

Tuloy-tuloy pa rin ang proseso at panawagan ng parokya sa mamamayan na magtulungang itayo muli ang simbahan.

Malugod rin namang pinasalamatan ni Fr. de Claro ang mga tumulong sa kanila upang makabangon mula sa sunog, tulad ni Manila Mayor Isko Moreno, na nagbigay sa kanila ng P700,000 na mula sa kanyang talent fee para sa iniendorsong produkto.

Tiniyak din ng Caritas Manila sa pamunuan ng Santo Niño de Pandacan parish ang tulong pinansyal hanggang sa muling maitayo ang simbahan. ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.