LAGUNA – HINDI na nagawa pang maipagdiwang ng 65 anyos na Lolo kapiling ang kanyang pamilya ang pagpasok ng Bagong Taon matapos aksidenteng mabundol ng rumaragasang Isuzu Truck sa may kahabaan ng Provincial Road, Bgy. Panglan, Majayjay, Biyernes ng umaga.
Ayon sa ulat ni Laguna PNP Public Information Officer (PIO) PLt. Col. Chitadel Gaoiran, nakilala ang biktimang si Danilo de Chavez, magsasaka, residente ng Bgy. Maslon Interior, Liliw, Laguna.
Sinasabing sa halip na magdiwang ang pamilya ni De Chavez, burol ng kanilang magulang ang pinaglalamayan ng mga ito.
Samantala, agad naman sumuko sa pulisya ang tsuper ng truck na pag-aari ng Gardenia Corporation na si Dave Allan Cruz, 40 anyos, may asawa, ng Bgy. Masikap, Liliw.
Sa imbestigasyon, aktong naglalakad ang biktima sa lugar bandang alas 6:00 ng umaga patungo sa bukid nang aksidenteng mahagip ng minamanehong truck ni Cruz na nakainom umano ng alak habang papauwi ng kanyang tirahan mula sa bayan ng Majayjay.
Dahil dito, nagawa pang makaladkad at maipit ng gulong ang biktima kung saan tumagal pa ng halos dalawang oras bago pa ito naalis sa pagkakaipit ng nagresponding miyembro ng Rescue Team at pulisya.
Nagtamo ng maraming sugat sa kanyang katawan ang biktima na agaran nitong ikinamatay habang isinusugod sa pagamutan.
Kaugnay nito, nakatakdang maghain ng kaukulang reklamo sa pulisya ang pamilya ng biktima laban sa tsuper ng Gardenia para mabigyan aniya ng hustisya ang pagka-matay ng kanilang Ama.
“Sana po matulungan nyo kami para makamit ng pamilya namin yung hustisya para sa tatay namin” ani Jeff Andrew, isa sa anak ng biktima.
Kasong Reckless Imprudence Resulting to Homicide (RIR) ang nakatakdang isampa ng pulisya sa piskalya laban sa suspek kung saan kasalukuyang nakapiit ito sa Majayjay PNP Lock Up Cell. DICK GARAY
Comments are closed.