TRAHEDYA SA ILOG: 2 KABATAAN NALUNOD

LAGUNA-ANG masaya sanang outing ng isang grupo ng mga kabataan ay napalitan ng lungkot makaraang malunod sa ilog ang dalawang dalagitang kasama nila sa Purok 14, Barangay Pinagbayanan, Pila sa lalawigang nito kamakalawa ng hapon.

Sa pagsisiyasat ng mga opisyal ng nasabing barangay, ang mga nasawi ay nakilalang sina Jilian Allyssa Castillo,13-anyos, Grade 7 at Rianleen Meneses, 14-anyos, Grade 8 , kapwa redidente ng Barangay Linga, Pila, Laguna.

Ayon sa pahayag ni Barangay Councilor Pancho Torres, ang mga biktima kasama ng iba nilang kaibigan ay nagkayayaan na mamasyal sa Bulusukan River, isang eco park na pasyalan ng mga local at international tourist.

Ayon pa kay Torres, nagustuhan umano ng mga kabataan na maligo dahil sa malinis at malamig na tubig.

Ang ilog ayon naman kay Konsehal Apollo del Rio ay may bahaging malalim at mababaw.

Base sa mga nakasaksi, makalipas ang ilang oras na paliligo ng mga kabataan ay napuna ng ilan sa mga ito ang pagkawala nina Meneses at Castillo.

Agad umanong humingi ng tulong sa barangay ang kasamahan ng dalawang nasawi at mabilis na sinisid ng divers ang ilog.

Makalipas ang kalahating oras, natagpuan ng mga rescuer ang mga katawan ng dalawang dalagita subalit wala nang buhay ang mga ito.

Magsasagawa naman ng precautionary measures ang mga opisyal ng barangay para hindi na maulit ang kahintulad na insidente. ARMAN CAMBE