TRAHEDYA SA SEMANA SANTA

BINUBUO ng higit 7,000 isla ang buong Pilipinas.

Tayo ay napaliligiran ng ilang malalaking dagat.

Siyempre, kasama na riyan ang Pacific Ocean sa silangan at West Philippine Sea naman sa kanluran.

Sanay na sanay tayong mamuhay mula sa dagat at malapit sa ilog.

Ibig sabihin, hindi tayo patatalo pagdating sa languyan.

Ngunit nakagugulat na marami pa ring Pilipinong hindi marunong lumangoy.

Katunayan, sa datos ng Philippine National Police (PNP), lumalabas na hindi bababa sa 80 katao ang naitalang namatay sa mga insidente ng pagkalunod sa iba’t ibang lugar nitong nagdaang Holy Week.

Tinatayang apat ang nasawi dahil sa aksidente sa kalsada.

Sa drowning cases, karamihan ay nangyari sa Calabarzon, Ilocos, at Central Luzon.

Pinayuhan nga ni PNP chief Police General Rodolfo Azurin Jr. ang publiko na laging babantayan ang kanilang mga anak o mga batang paslit sa family outing.

Hindi na naman bago sa ating pandinig ang mga insidente ng pagkalunod tuwing summer o Semana Santa.

Sa halos 200 bansa nga raw sa buong bansa, pang-53 ang Pilipinas sa hanay ng may pinakamaraming bilang ng mga namamatay dahil sa pagkalunod.

Batay sa datos ng worldlifeexpectancy.com, pasok sa Top 10 o nasa unang puwesto ang Guyana, pangalawa ang Micronesia, pangatlo ang Solomon Islands na sinundan ng Vanuatu, Republic of Seychelles, Haiti, Kingdown of Lesotho, Kingdom of Eswatini o Swaziland, Laos, at Republic of Kiribati.

Sa panayam naman ng inyong lingkod sa programang RESPONDE SA RADYO sa DZEC-AM 1062 (RADYO AGILA), inamin ni Philippine Coast Guard (PCG) Spokesperson Rear Admiral Armand Balilo na ikinagulat din nila ang mataas na bilang ng mga nalunod nitong bakasyon.

Mas masaklap daw ang sinapit ng anim na kabataan sa Camarines Sur matapos tangayin ng malakas na alon.

Hindi naman, aniya, sila nagkulang sa pagpapaalala sa ating mga kababayan hinggil sa pag-iingat nitong long weekend.

Ayon kay Balilo, mahigpit ang monitoring ng kanilang tanggapan sa operasyon ng mga resort at beach sa iba’t ibang panig ng bansa.

Aniya, karamihan nga lang sa mga nadisgrasya ay sa mga pampang nalunod kung kaya walang lifeguards at hindi nasaklolohan ang mga ito.

Ito rin daw ang dahilan kaya suportado nila ang mga panukala na gawing asignatura o subject sa mga paaralan ang swimming.

Ang pagkalunod ay isang seryosong pangyayari pero tila binabalewalang public health threat kung saan umaabot daw sa daan-daang libo ang namamatay taon-taon sa buong mundo.

Mas mataas ang kaso ng pagkalunod sa mga mahihirap at middle-income na bansa at sinasabing karamihan sa mga biktima ay mga menor de edad.

Maganda nga naman kung gagayahin natin ang Canada at England na talagang may swimming lessons sa kanilang school curriculum bilang proteksiyon sa kanilang mga kabataan.

Kung hindi nga ako nagkakamali, kahit sa mga lungsod ng Winnipeg sa Manitoba, Canada ay tinuturuan ang mga mag-aaral sa Grades 3 at 4 ng basic swimming skills at water safety education.

Magsilbi sanang ‘wake up call’ sa lahat ng mga kinauukulang sektor, partikular ang Department of Education (DepEd) na pinamumunuan ni Vice President Sara Duterte-Carpio, ang drowning incidents noong Holy Week.

Mahalagang maru­nong lumangoy ang mga Pinoy.

Napaliligiran na naman tayo ng dagat at halos lahat ng lugar ay may resorts kaya walang dahilan na tayo ay matakot sa tubig.

Kung may pagkakataon, habang bata pa’y mag-aral at magsanay lumangoy.