NUEVA VIZCAYA – Patay ang isang drayber at pahinante nito matapos bumaliktad at tumagilid ang minamanehong trailer truck na naglalaman ng 800 sako ng feeds sa National Highway ng Brgy. Villaros, Bagabag, Nueva Vizcaya.
Kinilala ang mga biktima na sina Richard Evangelista, 32-anyos, driver ng nasabing trailer at residente ng Orbiztondo, Pangasinan habang ang helper nito ay kinilalang si Ginaro Bumagat Dizon, 20-anyos at residente ng Guimba, Nueva Ecija.
Sa ipinarating na ulat ni PCI Ferdinand Laudencia, hepe ng PNP Bagabag, binabaybay ng drayber ang nasabing lansangan patungo sanang Echague, Isabela subalit nang marating ang paliko at palusong na bahagi ng daan ay na-out balance umano ito na nagresulta sa pagkatumba ng trailer truck.
Sa pagresponde ng kapulisan at Provincial Red Cross ay wala nang pulso ang dalawang biktima.
Hanggang sa ngayon ay patuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon ng kapulisan hinggil sa nasabing insidente. REY VELASCO
Comments are closed.