IDINEKLARA ng House Committee on Ways and Means na ‘approved in principle’ na ang ikalawang bahagi ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) 2.
Lumikha rin ang komite na pinamumunuan ni Quirino Rep. Dakila Cua ng isang technical working group na babalangkas ng substitute bill upang pagsamasamahin ang lahat ng magkakaugnay na tax proposals ng mga mambabatas.
Ibabalik naman sa mother committee ang consolidated version ng TRAIN 2 na siyang iaakyat sa plenaryo.
Ang pag-apruba ‘in principle’ sa isang bill ay nangangahulugan na ang panukalang batas ay tatalakayin bilang ‘package’ sa halip na per individual tax proposal.
Ayon kay Cua, doble-kayod sila sa pagpasa sa batas, na kapuwa itinalang prayoridad nina Pangulong Rodrigo Duterte at House Speaker Gloria Macapagal-Arroyo.
“We are trying to finish as early as possible without compromising the quality of the legislation,” wika ni Cua.
Sinabi ni Cua na ang tax incentive schemes ay kinakailangang gawing makabago upang matiyak na higit itong ‘responsive, targeted at transparent’.
Paliwanag pa ni Cua, layon nilang makahikayat ng marami pang investments na kalaunan ay lilikha ng mga trabaho.
Ang TRAIN 2 ay walang bagong ipapataw na buwis kundi ito ay para sa pagbaba ng corporate income tax at pag-rationalize ng incentives na ibinibigay sa mga kompanya.
Tiniyak naman ni Cua na titimbangin nila ito para hindi makadagdag sa problema sa inflation sa bansa. CONDE BATAC
Comments are closed.