TRAIN 2 LUSOT NA SA KAMARA

KAMARA

APRUBADO na sa ikatlo at pinal na pagbasa ang House Bill 8083 o ang TRAIN 2 na mas kilala bilang TRABAHO Bill.

Sa botong 187 Yes, 14 No at 3 abstention ay nakapasa sa ikatlong pagbasa ang naturang panukala.

Ito na ang ikalawang tax reform package ng Duterte administration na nakalusot sa Kamara.

Sa ilalim ng TRAIN 2 o TRABAHO bill, walang bagong buwis na ipapataw kundi ibababa sa 20% ang corporate income tax ng mga kompanya mula sa kasalukuyang 30%.

Ira-rationalize din ang mga insentibo na ibinibigay sa mga negosyo para sa karapat-dapat na kompanya.

Ibig sabihin, tatanggalan ng incentives ang mga kompanyang mauunlad na at ibibigay lamang ang ganitong benepisyo sa mga negosyong nag-uumpisa pa lamang.

Kasama sa ira-rationalize ang mga insentibo na iginawad sa ilalim ng 123 special laws.

Hihintayin na lamang ng Kamara ang counterpart bill nito sa Senado at umaasang aaprubahan din ito agad ng Mataas na Kapulungan.

Samantala, nagbabala si Bayan Muna Rep. Carlos Isagani Zarate na may apat na panibagong TRAIN bills ang isusulong ng Kamara.

Ayon kay Zarate, bukod sa TRAIN 1 at TRAIN 2, mayroon pang isinumite ang Department of Finance (DOF)  na apat na panibagong TRAIN Bills – ang TRAIN 1B, TRAIN 2+, TRAIN 3 at TRAIN 4.

Ang TRAIN 1B ay nagbibigay ng tax amnesty sa mga smuggler at motor vehicle user charge, habang ang TRAIN 2+ naman ay nagpapataw ng dagdag na excise tax sa alcohol, tobacco at mining.

Samantala, ang TRAIN 3 ay para sa pagpapataw ng dag­dag na buwis sa mga property at ang TRAIN 4 ay para sa capital income taxation o pagbubuwis sa  stocks at bonds.

Giit ni Zarate, ang mga dagdag na buwis na ito ay tiyak na magiging daan para sa pagtaas pa lalo ng presyo ng mga pangunahing bilihin at serbisyo kahit pa sinasabi ng adminis­trasyon na ang mga mayayaman lamang ang target ng mga dagdag na buwis.   CONDE BATAC

Comments are closed.