‘TRAIN 4’ SINIMULAN NANG TALAKAYIN SA KAMARA

Rep-Estrellita-Suansing

SA pagbibigay ng briefing ng Department of Finance (DOF) at National Tax Research Center (NTRC) kung saan dumalo rin ang ‘stake-holders’ partikular sa hanay ng financial intermediaries sector ng bansa, ay pormal nang sinimulan ng House Committee on Ways and Means ang pagtalakay sa Package 4 ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN 4) kamakalawa.

Ayon kay 1st Dist. Nueva Ecija Rep. Estrellita Suansing, ang bagong talagang pinuno ng nasabing komite, ang nilalaman ng TRAIN 4 ay base na rin sa House Bill 8252 na iniakda nila ng kanyang kabiyak na si 2nd Dist. Sultan Kudarat Rep. Horacio Suansing at sa isinagawa nilang pagdinig ay naglahad ng kanilang posisyon hinggil dito ang DOF at NTRC.

Giit ng Ways and Means committee chairperson, mahalaga ang ikaapat na bahagi ng TRAIN Law na ito, na nakatuon sa local financial sector, na mayroong malaking kontribusyon sa ekonomiya ng bansa at papel na ginagampanan para matustusan ang mga malalaking programa ng pamahalaan kabilang ang Build, Build, Build Program na inilatag ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Aminado si Congresswoman Suansing na nahaharap ang nasabing sektor sa komplikadong sistema ng pagbubuwis, ‘uneven playing field’, hindi patas na distribusyon ng tax rates, mataas na ‘administrative at compliance cost’ at iba pa.

“To address these concerns, I have filed House Bill No. 8252. The objectives of which is to provide neutrality in tax treatment across financial instruments, simplification of the tax system, improvement of equity among investors and savers, and reduction of arbitrage opportunities and promotion of capital market development, and tax competitiveness within the context of financial globalization, increased capital mobility and financial inclusion,” ang sabi ng Nueva Ecija lady solon.

Bilang tugon, inihayag ni Finance Undersecretary Karl Kendrick Chua, na tinutugunan ng Duterte administration ang nasabing mga problema sa ‘financial sector’ at nakatakda itong magpatupad ng kaukulang reporma partikular ang pagkakaroon ng ‘tax rate’ na magiging katanggap-tanggap sa lahat upang masiguro rin na patuloy na mapopondohan ang iba’t ibang proyekto ng gob­yerno.

Katunayan, noong 2016, ay naging malaki ang koleksiyon ng pamahalaan mula sa buwis sa capital income, financial intermediary, at documentary stamp taxes (DSTs), na umabot sa halagang P196.6 billion.

Bagama’t sinusuportahan ng resource persons at ibang stakeholders’ na inimbitahan sa briefing ang HB 8252, humirit naman ang iba na  kung maaari ay mapag-aralan muna at magkaroon ng konsiderasyon sa ilang probisyon nito.  ROMER BUTUYAN

Comments are closed.