MAKATI CITY – PUSPUSAN ang ginagawa ng pamahalaan para maiangat ang pamumuhay ng Filipino at upang ang Filipinas ay mapabilang sa malalakas at maunlad na kalipunan ng mga bansa.
Sa katatapos na pulong balitaan na itinataguyod ng ALC Media Group na may tanggapan sa Dominga III Bldg. Makati City, kung saan kabilang ang PILIPINO Mirror, inihayag ng guest speaker na si Antonio Joselito Lambino II, assistant secretary of the strategy economics and results group ng Department of Finance na nagpapatuloy ang ginagawang hakbang ng economic manager ni Pangulong Rodrigo Duterte para maiangat ang pananalapi ng bansa, maasensong kalakalan at maalwang pamumuhay.
Halimbawa nito ay pag-adopt ng Duterte administration sa 10-Point Socioeconomic Agenda ng Aquino administration na vision para sa Ambisyon 2040 kung saan wala nang mahirap.
Sa pagpasok ng pamamahala ni Pangulong Duterte, ay agad ipinatupad ang Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law.
Ibinida ni Lambino sa nasabing forum na naging maganda ang resulta ng TRAIN Law at ngayon ay ginagamit na rin ang ikalawang yugto o Package 2 ng nasabing reporma sa pagbubuwis.
Sa presentasyon ni Lambino sa harap ng kinatawan ng media members ng ALC sa pangunguna ni T. Anthony C. Cabangon, ang publisher ng BusinessMirror, inilahad nito ang mga hakbang ng pamahalaan para makamit ang mula sa katatagan hanggang sa pag-unlad (from stability to prosperity).
Aniya, sa vision ng Duterte administration, pagsapit ng 2022 ay liliit na ang bilang ng mahihirap na mula sa datos nilang hawak na 21.6% ay magiging 14% na lamang habang sa pagsapit naman ng 2040 ay zero poverty na ang Filipinas.
Sa ngayon aniya, ay ramdam na ang magandang epekto ng TRAIN Law at napatunayang hindi ito ang sanhi ng mataas na inflation noong 2018 na umabot sa 6.8%.
“Ang sanhi ng inflation noon ay ang mataas na presyo ng langis na atin namang sinusunod mula sa world market,” ayon kay Lambino.
Habang ang magandang epekto aniya ay ang malaking nalikhang trabaho na umabot sa 3 milyon at napaliit ang personal income tax.
Bukod aniya sa TRAIN Law, kabilang din sa nagpapatatag ng pananalapi ng bansa ay ang tamang paggastos, mga gumaganang salapi sa pamamagitan ng infrastracture project habang isa rin sa nakatulong ang Ease of Doing Business.
Dahil din sa gumagalaw na ekonomiya, umaasa si Lambino na sa loob ng dalawang taon ay aangat ang income ng mga manggagawa.
“Matatapos na tayo sa kategoryang lower income country dahil aangat na tayo,” ayon pa kay Lambino.
Kumpiyansa rin si Lambino na may magandang resulta ang Package 2 ng TRAIN Law kung saan nakapa-loob ang corporate income tax and incentives reform act; sin taxes for Universal Health Care; real property valuation reform at passive income and financial intermediary tax reform. EUNICE C.