TRAINER PLANE BUMAGSAK, PILOTO AT SAUDI STUDENT HINAHANAP

Trainer plane

OCCIDENTAL MINDORO – NAGPAPATULOY ang search and rescue operation sa dalawang nawawalang piloto ng trainer plane na umano’y bumagsak sa karagatang sakop ng Palawan at Occidental Mindoro.

Ayon sa Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP), nawala ang aircraft Beechcraft Baron 55 trainer lulan ang dalawang piloto matapos mag-take off mula sa San Jose Airport sa Occidental Mindoro noong Biyernes.

Nakilala naman ni Lt. Col. Socrates Faltado, information officer ng Mimaropa police, ang mga piloto na sina Capt. Jose Nelson Yapparcon na pilot-in-command at Saudi Arabian student pilot na si Abdula Alsharif.

Sinabi ng CAAP, na matapos mag-take off, hindi sila nakatanggap ng report ukol sa nasabing flight bandang 8:13 ng umaga.

Ang huling alam na lokasyon ng eroplano ay nasa 16 nautical miles south ng San Jose.

Magkatuwang naman ang San Jose Airport police, CAAP tower at apat na grupo sa pagsasagawa ng operasyon sa lugar.

Naka-deploy na rin ang Angel 922 Helicopter ng Philippine Air Force at 310 Islander Aircraft ng Philippine Navy.

Bukod dito, kasama rin sa search operations ang King Air private jet habang nag-iikot ang Philippine Coast Guard (PCG) sa baybaying-dagat sa lugar. PILIPINO Mirror Reportorial Team

Comments are closed.