TRAINING EXCHANGE PROGRAM SINELYUHAN NG PNVF, JAPAN VOLLEYBALL ASSOCIATION

Volleyball

BUMUO ang mga opisyal ng Philippine National Volleyball Federation (PNVF) at ang Japan Volleyball Association (JVA) ng isang Training Exchange Program.

Nakipagpulong si PNVF president Ramon “Tats” Suzara kay JVA head Shunichi Kawai sa JVA headquarters sa Tokyo upang selyuhan ang programa na kinasasangkutan ng national indoor at beach volleyball teams ng dalawang bansa.

“It is an honor and a privilege to be working alongside such a strong federation with a grand tradition and rich history in the sport,” pahayag ni Suzara, na sinamahan sa Tokyo nina PNVF executive director Marie Louise Principe at executive assistant Antonio Carlos Jr.

“This collaborative partnership of PNVF with JVA helps underline the FIVB’s initiatives under its Empowerment Commission, to strengthen national training programs of different federations through knowledge transfer and sharing of best practices,” dagdag ni Suzara, na itinalaga ng International Volleyball Federation o FIVB bilang secretary ng Empowerment Commission nito.

Sa ilalim ng general terms of reference ng programa, ang men’s volleyball team ng Japan ay darating bago ang Volleyball Nations League na muling iho-host ng bansa sa Hunyo ng susunod na taon para sa friendly exhibition matches sa kanilang Philippine counterpart bukod sa promotional efforts para sa event.

Ang national beach volleyball teams ng Japan ay magsasagawa rin ng winter training camp sa Club Laiya sa Batangas sa Enero at Pebrero.

Samantala, ang Philippine indoor squads ay magsasagawa ng training camps kasama ang Japanese university o club teams sa loob ng dalawang linggo sa Abril, habang ang beach volleyball teams ay magsasagawa ng kanila sa Japan’s national volleyball training center sa Toyota Center sa Hekinan City sa Aichi Prefecture sa Pebrero at Marso.