TRAINING NG NAT’L ATHLETES TARGET SA PEBRERO

william Ramirez

UMAASA ang Philippine Sports Commission (PSC) na makapagpapatuloy sa pagsasanay sa Pebrero ang mga national athlete na sasabak sa Southeast Asian Games.

Nakatakda sanang simulan ng mga national athlete ang kanilang paghahanda sa  Metro Manila ngayong linggo, subalit hindi ito natuloy makaraang manatili ang National Capital Region sa ilalim ng Alert Level 3 dahil sa patuloy na pagsipa ng kaso ng COVID-19.

“With the present situation, we are evaluating it. Most probably, when the IATF lowers the alert level, that allows us to resume practice,” pahayag ni PSC chairman William ‘Butch’ Ramirez sa Philippine Sportswriters Association (PSA) Forum kahapon.

Ang national athletes ay nakatakdang magsanay sa PhilSports Complex sa Pasig City at sa Rizal Memorial Sports Complex sa Manila bilang paghahanda sa 31st SEA Games sa Hanoi, Vietnam ngayong Mayo.

Gayunman, sinabi ni Ramirez na ilan sa naturang  venues ay ginagamit pa rin bilang COVID-19 quarantine facilities ng national government.

“Ang usapan namin is at the end of the year, by December 2021, ibibigay nila (sa PSC). Eh tumaas ang infections, so hawak pa rin nila ‘yan,” anang PSC chief. “And the PSC is under the Office of the President, and buhay ng mga tao ‘yan.”

Maaari namang magpatuloy sa pagsasanay ang national athletes na naka-base sa ibang bansa, kabilang sina gymnast Carlos Yulo at pole vaulter EJ Obiena.

Ilang national teams ang nagsasagawa rin ng training camps sa bubble set-ups sa mga lugar na nasa ilallm ng Alert Level 2.