SA ilalim ng panukalang pondo sa taong 2024, imamandato sa Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) and pagkakaroon ng training regulation para sa child development workers (CDWs).
Ayon kay Senador Win Gatchalian, tinanggap ng Senate Committee on Finance ang panukalang nakapaloob sa committee report nito sa General Appropriations Bill (House Bill No. 8980), kung saan bibigyan ng prayoridad ang upskilling ng CDWs. Sa ilalim ng special provision na iminungkahi ni Gatchalian, bibigyang prayoridad ng TESDA ang pagbuo ng training regulation para sa Early Childhood Care and Development (ECCD). Gagawin ito ng TESDA sa tulong ng ECCD Council, at sasaklawin ang mga kasalukuyan at mga susunod na CDWs.
Batay sa pagsasaliksik ng tanggapan ng senador, 16% o 11,196 ng kabuuang bilang ng CDWs ang high school graduates. Dahil sa mahalagang papel ng ECCD, binigyang-diin ni Gatchalian na mahalagang tiyaking may sapat na kakayahan ang CDWs sa pangangalaga ng mga bata kaya mahalaga aniyang mabigyan ang CDWs ng mga pagkakataon para sa upskilling.
“Kung ang TESDA nga ay nagkaroon ng training regulation para sa mga barangay health workers, ganito rin ang magiging prinsipyo sa ating mga child development workers,” pahayag ni Gatchalian na chairperson ng Senate Committee on Basic Education.
“Iaangat ng training regulation at certification ang kanilang mga kakayahan. Makakatulong ito para magampanan nila ang kanilang ang mga tungkulin at maipakita na may mga sapat silang kakayahan,” dagdag ng senador.
Si Gatchalian ang may akda ng Basic Education and Early Childhood Education Alignment Act (Senate Bill No. 2029) na layong ihanay ang ECCD curriculum at ang K to 12 basic education curriculum.
Nakasaad sa panukalang batas na palalawakin ang responsibilidad ng mga local government units (LGUs) sa pagpapatupad ng mga ECCD programs, katulad ng pagkamit ng universal coverage para sa ECCD system at paghahanap ng dagdag na pondo at mga resources. VICKY CERVALES