TRAK NABALAHO: 3 PATAY, 7 IBA SUGATAN NANG

TATLO katao ang nasawi habang pitong iba pa ang sugatan nang mabalaho ang sinasakyan nilang truck na kargado ng 480 sako ng bigas sa Labangan, Zamboanga del Sur.

Ayon kay Maj. Shellamie Chang, Police Regional Office (PRO) 9 (Zamboanga Peninsula) information officer, naganap ang insidente alas- 7:55 ng gabi sa National Highway of Barangay Upper Pulacan.

Kinilala ang mga nasawi na sina Jobirth Roño Cabrobias, 38; Esmeralda Roño Cabrobias, 57; at Joemar Roño Cabrobias, 12. Isinugo pa sila sa ospital subalit pawang nasawi rin sa tindi ng mga tinamong sugat.

Ang pitong sugatan ay kinilalang sina Junel Cabaltera Mangubat, 22; Jomyma Borres Cabaltera, 27; Jester Arias Arsua, 27; Atenna Cabrobias; Jerome Manumbaga; Karledgei Cortes Dandanon; at April John Dacay Mangubat.

Ang mga sugatan ay naka-admit sa iba’t ibang ospital sa Pagadian City at sa military hospital sa Labangan, Zamboanga del Sur.

Ayon kay Chang ang mga biktima ay pawang hitch riders, mula sa Barangay Navalan, Tukuran, Zamboanga del Sur at patungo sana sa Ipil, Zamboanga Sibugay para mag-deliver ng bigas.

Gayunman, ang mga biktima ay pawang naipit sa sako ng bias makaraang bumalaho ang nasabing track at saka tumagilid.

Sinasabing nawalan ng balance si Ernesto Ramirez, 59-anyos, nang magkaaberya ang gulong.

Naganap ang trahedya nang magmamaniobra sana si Ramirez sa pataas na bahagi ng kalsada sa Purok Melina, Barangay Upper Pulacan sa Labangan.

Pansamantalang pinipigil sa Labangan Municipal Police Station ang driver.