PUERTO PRINCESA – Nakopo ni sensational Masbate discus thrower Courtney Jewel Trangia ang unang gold medal habang naitala ni San Fernando, La Union swimmer Anton Paulo Dominick Della ang unang meet record sa pag-arangkada ng Batang Pinoy National Championships nitong Linggo.
Napanatili ang kanyang winning streak magmula nang masungkit ang gold sa Philippine Athletics Championships sa Philsports track oval sa Pasig City noong nakaraang Abril, si Trangia, 17, ay nanguna sa kanyang pet event sa pagtala ng 38.30 meters sa girls division sa Ramon V. Mitra Jr. Sports Complex upang mapanatili ang korona sa ikatlong sunod na pagkakataon sa meet na inorganisa ng Philippine Sports Commission (PSC).
Sumandal naman si Della, 17, sa matikas na pagtatapos upang kunin ang gold sa boys 16 to 17-year-old 200-meter individual medley sa oras na dalawang minuto at 15.58 segundo, binura ang dating marka na 2:16..66 ni Peter Cyrus Dean ng Lucena na naitala noong nakaraang taon sa Teofilo Yldefonso pool sa Manila.
Sinabi ni Trangia na sa kabila ng pagsungkit sa gintong medalya ay hindi pa siya nasisiyahan dahil target niyang maghagis ng mahigit 40 metro. Hawak niya ang Batang Pinoy record na 37.17 metro na kanyang naitala noong nakaraang taon. Hindi na rin niya magagawang lumahok sa isa pa niyang event na shot put sa Nobyembre 28.
“Last Batang Pinoy ko na po ito kaya malungkot at masaya po ako na iiwanan ko ang bago kong record dito,” sabi ni Trangia na agad na aalis dito upang pumunta sa Kota Kinabalu sa Malaysia para sumabak sa Malaysian Open Athletics 2024 na magsisimula sa Nobyembre 24.
Ipinagpasalamat din ni Trangia ang unang pagkakataon ng Masbate, na bahagyang nakaligtas sa bagsik ng Bagyong Pepito, na nakopo ang nakatayang pangkalahatang unang ginto sa isang pambansang torneo.
“First time po ng Masbate na unang makapanalo ng gintong medalya sa isang national multi-sports competition,” sabi ni Trangia, Grade 12.
Bago ang Batang Pinoy ay nagawa ni Trangia na magwagi ng gold sa discus throw girls U18 sa itinapon na 39.70 sa Jogja 24 – Indonesia U18 Athletics Open sa Yogyakarta, Indonesia. Mas mababa ito sa naihagis niya na 40.19 PB sa Philippine National Open sa PhilSports Arena.
Nagwagi naman sa pangalawang event na shot put boys Under 16 si Rich Justin A. Torres ng Tarlac Province.
Ang 13-anyos na may taas na 5-foot-10 mula sa Tarlac National High School ay nagawang ihagis ang metal ball sa layong 12.16 metro para sa kanyang unang gold sa torneo.
Samantala, sa kalapit na swimming pool ay agad na nagparamdam si 2023 Batang Pinoy most bemedalled swimmer Arvin Naeem Taguinota II para sa Pasig City sa pagwawagi ng unang gold sa sports sa boys 12-13 200m individual medley sa oras na 2:22.02 minuto.
Wagi rin si Ashton Clyde Jose ng City of Taguig ng ginto sa boys 14-15 200 meter IM sa oras na 2:14.08 minuto habang sa boys 16-17 200 meter IM ay si Anton Paulo Dominick Della ng Sasn Fernando City, La Union ang naghari sa oras na 2:15.58 minuto.
Sa unang laban sa Judo ay ginapi ni Miguel Tecson ng Muntinlupa si Fred Emperador ng Valenzuela sa Tatami Juvenile Championships sa Puerto Princesa City Pilot Elementary School. Wagi si Tecson sa oras na 2:04. CLYDE MARIANO