TRANSFIGURATION: SI HESUS AY PANGINOON – CGMA

Eternal Gardens-13

LAGUNA – NAGING matagumpay ang blessings ng Transfiguration gayundin ang St. Vincent Ferrer Plaza sa ika-11 sangay ng Eternal Gardens sa Cabuyao City.

Sinimulan ang seremonya sa banal na misa, alas-10 ng umaga, na pinangunahan ni Fr. Gomer Torres na sinundan ng unveiling ng Transfiguration.

Nanguna sa pa­ngangasiwa ng nasabing okasyon si  ALC Group of Companies Chairman at Eternal Gardens Chairman and CEO D. Edgard Cabangon; Vice Chairman of the Board Benjamin V. Ramos; President and COO Numeriano Rodrin, at iba pang mga opisyal ng Eternal Gardens at D. Antoinette Cabangon Jacinto.

Makaraan ang misa ay inalis na ang tabing ng Transfiguracion at saka isinagawa ang ribbon cutting sa St. Vincent Ferrer Plaza.

Dumalo rin sa nasabing okasyon bilang special guest sina Brgy. Mamatid Chairwoman Erlinda Alcasabas, Vice Mayor Leif Ofinia, at Mayor Rommel Gecolea,  habang guest of honor naman si dating Pa­ngulo at ngayon ay House Speaker Gloria Macapagal-Arroyo na kasama si dating First Gentleman Mike Arroyo at ang kanilang anak na si Cong. Dato Arroyo.

Sa talumpati ni Arroyo, binati nito ang mga taga-Brgy. Mamatid dahil masuwerte na sa kanila nag-invest ang pamilya Cabangon at Eternal Gardens na labis na mapakikinabangan ng mamamayan ng nasabing lugar.

Pinasalamatan din ni Arroyo ang pamilya Cabangon sa pagpupursige na maglaan ng kahalintulad na proyekto.

“Masuwerte kayo dahil ang Pamilya Caba­ngon ay laging isinasama ang Panginoon sa kanilang proyekto at ito nga ay ang Transfiguration sa ika-11 sangay ng Eternal Gardens at maging ang patron ng Brgy. Mamatid na St. Vincent Ferrer ay binigyang pugay sa pamamagitan ng pagtatayo ng plaza,” bahagi ng speech ni Arroyo.

Pinasalamatan din ni Arroyo si da­ting Amb. Antonio L. Cabangon Chua na siyang nakaisip ng nasabing investment na aniya’y kaniyang itinalagang ambassador sa Laos noong siya ay pangulo pa ng Filipinas.

Sinabi ni Arroyo na malalim ang kahulugan ng pagtatayo ng Transfiguration sa mga sangay ng Eternal Gardens dahil ito aniya ay paalala na si Hesus ay Panginoon.

“Ang Transfiguration ay nagpapalaala sa mga apostoles ng Panginoon na si Hesus ay Diyos, at masuwerte ang lugar na ito dahil ang mahihimlay rito ay tiyak na nasa pangangalaga ng ating Maykapal,” ayon pa kay Arroyo.

Samantala, nagpasalamat naman si Cabangon sa pagpapaunlak ni Arroyo na maging panauhing pandangal sa nasabing okasyon, gayundin sa mga local government unit na naging special guest at sa sales people ng Eternal Gardens na naging katuwang sa pagsulong ng nasabing memorial park.   EUNICE C.

Comments are closed.