TRANSPARENCY, ACCOUNTABILITY PRAYORIDAD NG BAGONG PITC CEO

TINIYAK  ng bagong pangulo at chief executive officer ng Philippine International Trading Corporation na ipatutupad nya ang mga patakaran ng transparency at accountability sa pagbibgay serbisyo sa publiko at partner agencies ng korporasyon.

Sinigurado ni Undersecretary Emmie Liza ‘Doc Molly’ Perez-Chiong, na naging pangulo ng PITC noong Nobyembre. 11, sa Commission on Audit (COA) na ibabalik ng PITC ang hindi nagamit na pondo sa lalong madaling panahon pagkatapos ng kaukulang accounting nito.

“Isinauli ng PITC ang malaking bahagi ng mga hindi nagamit na pondo ng  dating namumuno ng PITC. Kami ay mahigpit na susunod sa mga rekomendasyon ng COA.Nagpapasalamat ako sa COA sa pagtawag ng aming pansin,” wika niya.

Ang PITC ay isang ahensiya ng pamahalaan na tumutulong sa mga transaksiyon ng government-to-government, business-to-business, at business-to-consumer sa pamamagitgan ng international trade service tulad ng export, import, customs bonded warehousing, at procurement.

“Ang PITC ay may mahalagang papel upang tulungan ang mga kompanyang Pilipino na i-export ang kanilang mga produkto, tulungan ang mga ahensiya  ng gobyerno na bumili ng mga kagamitan at mga banyagang kompanya na makilala ang kanilang mga produkto at serbisyo sa bansa,” dagdag ni Perez-Chiong, na nagtapos sa University of the Philippines UP Diliman at isang dentista.

Sa ilalim ng kanyang panunungkulan, sinabi ni Perez-Chiong na ang PITC ay mas higit na tutugon sa pagtulong sa mga ahensiya ng gobyerno sa pagbili ng kanilang mga kailangan.

Nais din niya na tulungan ang mga Pilipinong kompanya, kabilang ang small and medium enterprises (SMEs) sa pag-export ng kanilang mga produko sa ibang bansa.

Nagtuturo ang PITC sa mga Pilipinong may-ari ng negosyo kung paano sila makapag-export ng kanilang mga produkto sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng impormasyon sa kalidad, packaging at marketing, at ilapit sila sa mga foreign market tulad ng  mga supermarket, retail at wholesale outlet at mga manufacturing at construction firm.

“Nais namin silang tulungan upang lumago ang kanilang mga negosyo sa ibang bansa,” dagdag ni Perez-Chiong.

Kabilang din sa ginagawa ng PITC ang . countertrade, isang transaksiyon na katulad ng pagpapalitan.

Ang countertrade sa ilalim ng pamahalaan ng Pilipinas ay isang transaksiyon ukol sa importasyon o pagbili ng foreign capital equipment, makinarya, produkto at serbisyo. VICKY CERVALES