TRANSPO HUB SA METRO ININSPEKSYON

SINIYASAT ni Philippine National Police (PNP) Officer-In-Charge at Deputy Chief for Administration, Lt. Gen. Rhodel Sermonia ang mga transportation hub partikular ang bus and jeep terminals sa Metro Manila.

Layunin nitong matiyak kung tama ang mga inilatag na seguridad sa mga biyahero na patuloy na dumaragsa sa mga bus terminal at maging sa palipararan at pantalan para umuwi sa lalawigan na may kaugnayan sa paggunita ng Semana Santa.

Kasama rin na nag-inspeksyon ang mga kinatawan mula sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno.

“All systems go na ang seguridad na inilatag ng PNP sa mga bus terminal, pantalan at paliparan ngayong Semana Santa,” ayon kay Sermonia.

Bukod sa mga pulis, nag-deploy din ang Department of Health (DOH) ng kanilang mga tauhan para sa mga pasahero na mangangailangan ng atensyong medikal.

Sa Araneta Bus Port sa Cubao, sinimulan ni Sermonia ang kanyang inspeksyon.

Sunod nitong inikutan ang 5-star terminal sa Edsa North Bound kung saan dagsa ang mga magsisiuwi sa probinsiya.

Nais nitong tiyakin na sapat ang bilang ng pulis para umalalay sa mga pasahero.

“Kailangang maging proactive tayo. ‘Yung crime prevention, preemption dapat lagi natin iisipin. Huwag natin hintayin na may insidente na mangyayari kaya sabi ko kailangan may standby fasttcraft tayo in the event na may mga untoward incident na mangyari. Kumpleto naman tayo ng kagamitan, equipment, so, kailangan gamitin natin.

That’s one way also of ‘yung pag-ikot namin to ensure that not only our human or manpower ang nakikita namin nakalatag kungdi ‘yung proper utilization of resources that we have,” ayon kay Sermonia.

Kasama rin sa mga nag-inspeksyon ang mga kinatawan ng Philippine Coast Guard, DOH, Bureau of Fire Protection at Bureau of Jail Management and Penology (BJMP).
EUNICE CELARIO