LAGUNA – ITINUMBA ng hindi pa nakikilalang riding in tandem ang Pangulo ng San Pedro Transport Cooperative Association matapos dumalo sa misa ng kanilang relihiyon sa Bgy. Narra, lugar na ito Linggo ng hapon.
Kinilala ni PLt. Col. Jesus Lintag, hepe ng pulisya ang biktimang si Alex Sabolbora Jalandoon,52-anyos at residente ng nasabing lugar.
Nabatid na bandang alas-2 ng hapon na katatapos pa lamang ng misa nang maganap ang insidente.
Sinasabing patungo ang biktima sa nakahimpil nitong motorsiklo ilang metro lamang ang layo mula sa kanilang simbahan nang biglang sumulpot ang isa sa dalawang suspek at binaril ito ng malapitan sa ulo na agad nitong ikinamatay.
Mabilis na tumakas ang mga suspek lulan sa hindi naplakahan na motorsiklo patungo ng kabayanan na target ngayon ng manhunt operation ng pulisya.
Samantala, patuloy na nagsasagawa ng follow up operation si Lintag at kanyang mga tauhan para sa agarang pagkaka-kilanlan sa mga suspek at mabilisang ikalulutas ng naturang kaso. DICK GARAY
Comments are closed.