TRANSPORT GROUP PALAG SA BAWAS-PASAHE

Obet Martin

HINDI pa rin natitinag ang isang transport group at tutol pa rin sila sa pagbaba ng halaga ng minimum na pasahe kahit tuloy ang mga panawagan para rito dahil sa patuloy na pagbaba ng presyo ng petrolyo.

Ilang kompanya ng langis ang nag-anunsiyo simula noong weekend ng panibagong tapyas sa pres­yo ng petrolyo, na naglalaro sa P0.80 hanggang P1.30. Ito ang ikaanim na sunod na linggong nagkaroon ng bawas-presyo sa petrolyo.

Sa Metro Manila, naglalaro pa sa P43 hanggang P44 ang kada litro ng diesel pero sa ilang lugar sa Bulacan, nasa P39 na lang ito.

Pero, ayon kay Pasang Masda president Roberto “Obet” Martin, tutol pa rin silang ibalik sa P8 ang minimum na pasahe sa mga jeep hangga’t hindi bumababa sa P38 ang pres­yo ng diesel sa Kamaynilaan.

“Kapag may P38 na rito, tawagan niyo ako… P8 po ang pamasahe namin, gagawa kaagad ako ng formal petition for voluntary reduction of fare,” ani Martin.

Nakabinbin pa rin ngayon sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board ang petisyong inihain noong nakaraang linggo ng isang consumer group para ibalik sa P8 ang minimum na pasahe dahil sa patuloy na pagbaba ng presyo ng petrolyo.

Inaprubahan noong nakaraang buwan ng LTFRB ang hiling na taas-pasahe ng mga transport group, na nag-akyat sa minimum na pasahe sa mga jeep sa P10, na naging epektibo noong Nobyembre 2.

Samantala, nag-anunsiyo noon ang iba pang kompanya ng langis ng bawas sa presyo ng kanilang mga produkto.

Nagpatupad ang TOTAL at Petron ng P1.10 bawas sa kada litro ng diesel at P1.25 bawas sa kada litro ng gasolina simula noong Martes, alas-6 ng umaga.

Parehong presyo rin ang ipatutupad ng Flying V sa gasolina at diesel, idagdag pa ang P0.80 rollback nila sa kada litro ng kero-sene.

Mula noong Oktubre 15, naglalaro na sa P8.95 hanggang P9.10 ang ibi­naba ng presyo ng gasolina habang P6.15 hanggang P6.25 naman sa diesel.

Mula noong Enero, 16 hanggang 17 beses nang nagkaroon ng bawas-presyo sa petrolyo pero 30 beses naman ang taas-presyo.

Kaya kapag pinagsama ang lahat ng rollback sa taas-presyo, lumalabas na higit P8 na ang ibinaba ng diesel habang lagpas P5 naman sa gasolina.

Ayon naman sa Department of Energy, aantaba­yanan nila ang pulong ng Organization of the Petroleum Exporting Coun-tries (OPEC) sa Disyembre 6 kung itutuloy ang pagbabawas ng produksiyon na magpapataas sa presyo ng langis sa pan-daigdigang merkado.

Comments are closed.