NANAWAGAN ang isang grupo ng public transportation operators sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na buksan ang mga ruta sa mga pangunahing daanan para sa public utility jeepneys upang tulungan ang COVID-hit drivers na makabangon mula sa epekto ng pandemya.
“Gusto ko po maiparating to kagalang-galang na Chairman ng LTFRB [Martin Delgra] at kay [Transportation] Secretary [Arthur] Tugade na ang main thoroughfare na ruta ng mga jeepney ay sana naman po ay makapagpasada na po sila nang sa gayon hindi na namamalimos sa kalasada ang mga kasamahan sa jeepney transport sector,” wika ni Liga ng Transportasyon at Operators ng Pilipinas (LTOP) president Orlando Marquez sa Laging Handa public briefing kahapon.
Partikular na tinukoy ni Marquez ang mga ruta na maraming commuters, at nangakong mahigpit na susunod ang transportation sector sa health protocols ng pamahalaan para maiwasan ang pagkalat pa ng COVID-19.
“‘Yung mga ruta ng biyaheng Cubao hanggang Antipolo, Pasig hanggang Quiapo, Alabang-Zapote-Baclaran na napakaraming tao gaya rin ng Guadalupe hanggang FTI,” anang transport group leader.
“Libo-libo po ang tao na lumalabas na ho ngayon,” aniya.
Idinagdag pa niya na dapat ding payagang bumiyahe ang mga jeep na pumapasada sa Metro Manila mula probinsya lalo na’t marami ang mga manggagawa na tumatawid pa galing sa kani-kanilang mga siyudad para makapaghanapbuhay.
Iginiit din ni Marquez na kailangan nang bumiyahe ang mga jeep lalo na’t wala pa sa 20 porsiyento sa kanila ang nakatanggap ng ayuda mula sa pamahalaan.
“Mayroon kaming face mask, face shield, alcohol pati listahan… Kami po ay nakahandang sumunod sa protocol kaya kami po ay idinadaing po kasi sa hanay ng PUJ ang aming estimate na nakatanggap ay umaabot nang wala pang 20% sa nakatanggap sa ating pangulo,” sabi pa niya.
Noong nakaraang buwan ay pinayagan ng LTFRB ang may 1,333 public utility jeepneys na pumasada sa 23 ruta sa Metro Manila makaraang ibalik ang rehiyon sa general community quarantine.
Bukod pa ito sa 968 jeepneys na pinayagan ng regulator na bumiyahe sa 15 ruta.
Comments are closed.