TRANSPORT GROUP TUTOL NA GAWING CONTACT TRACERS ANG JEEPNEY DRIVERS

Mody Floranda

IBINASURA ng transport group na Piston ang panukalang kunin ang mga jeepney driver bilang contact tracers habang nananatili ang public transportation restrictions sa gitna ng community quarantine.

“[S]a bahagi po namin ay hindi ho kami pumapayag. Una, ‘di po ‘yan ‘yung kasanayan ng sektor ng transportasyon. Ano’ng  kamalayan ng mga drayber at operator sa usapin ng pag-i-interview, sa usapin po ng kalusugan?” pahayag ni Piston president Mody Floranda sa CNN Philippines’ Newsroom Weekend.

Aniya, maaari itong makaapekto sa kalusugan ng mga jeepney driver, gayundin ng mga operator.

“[B]akit kailangan kami ‘yung gamitin na tracer, ano, ‘yung sinasabi nila, tracer na maghahanap ng mga victim of COVID-19, na dapat ang naghahanap po niyan eh ‘yung mga may kasanayan sa usapin po ng kalusugan?” paliwanag ni Floranda.

Ang mga jeepney ay nananatiling ipinagbabawal sa mga lugar na nasa ilalim ng general community quarantine tulad ng Metro Manila dahilan para mawalan ng kita ang libo-libong drivers sa loob ng ilang buwan.

Dahil dito ay naghahanap ng paraan ang pamahalaan para matulungan ang naturang mga driver, kabilang ang pagkakaloob sa kanila ng pansamantalang trabaho bilang contact tracers.

Noong Huwebes ay sinabi ng Malacañang na isasama ang mga driver sa third tranche ng cash aid para sa mga pamilya na labis na naapektuhan ng COVID-19 crisis. Gayunman ay wala pang malinaw na timetable para rito dahil ang second round ng emergency subsidy ay hindi pa naipagkakaloob sa may apat na milyong pamilya.

Comments are closed.