(Transport groups muling nanawagan)FUEL EXCISE TAX SUSPENDIHIN

JEEPNEY-5

IGINIIT ng ilang transport groups ang pagsuspinde sa excise tax sa mga produktong petrolyo sa harap ng inaasahang big-time price hike sa susunod na linggo.

Ayon kay Federation of Jeepney Operators and Drivers Association of the Philippines (FEJODAP) president Ricardo Rebaño, nananawagan sila para sa suspensiyon ng fuel excise tax mula tatlo hanggang apat na buwan.

Aniya, mas mainam na suspendihin ang fuel excise tax kaysa humirit sila ng panibagong dagdag-pasahe na makadaragdag sa pasanin ng mga commuter.

“Kahit ilang buwan lamang po hanggang sa ganito ang sitwasyon ng petroleum products, tumataas nang tumataas, siguro another suspensiyon ng excise tax ang kinakailangan namin para naman magkaroon ng win-win solution itong diranaras naming problema kaysa naman matengga na naman ang public transport,” pahayag niya sa panayam sa Super Radyo dzBB.

Sinusugan ni Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operator Nationwide (PISTON) national president Mody Floranda ang apela ni Rebaño, at sinabing bukod sa pagsuspinde sa excise tax, kailangan ding amyendahan ang Oil Deregulation Law at TRAIN Law.

“Talagang kailangang rebisahin ng gobyerno ang mga probisyon sa ilalim ng Oil Deregulation Law, ng TRAIN Law, ng E-VAT at excise tax sa produktong petrolyo sapagkat malinaw naman na hindi naman tayo lingguhan o buwanan umaangkat ng produktong petrolyo sa international market, kundi batay sa sinasabi ng Department of Energy,” aniya.

Ayon sa isang oil industry source, ang presyo ng kada litro ng diesel ay maaaring tumaas ng P6 hanggang P6.30 simula sa Martes, Okt. 11.

Inaasahan naman ang P1.10 hanggang P1.40 taas-presyo sa kada litro ng gasolina.

Ayon sa Department of Energy (DOE), hanggang Setyembre 27, ang net price increases buhat nang magsimula ang taon para sa gasolina at diesel ay nasa P14.85 at P29.40 65 kada litro, ayon sa pagkakasunod.

Sa datos ng DOE, hanggang Set. 29, ang presyo ng kada litro ng gasolina ay naglalaro sa P61.45 hanggang P71.45 sa Quezon City, habang ang diesel ay mula P65.90 hanggang P74.84 sa Manila.