(Transport groups nagpasaklolo sa SC)NO-CONTACT APPREHENSION PIGILAN

NAGHAIN na ng petisyon sa Supreme Court ang ilang transport groups upang pigilan ang pagpapatupad ng kontrobersiyal na no-contact apprehension policy (NCAP) sa ilang lungsod sa Metro Manila.

Ang mga petitioner ay kinabibilangan ng Kilusan sa Pagbabago ng Industriya ng Transportasyon (KAPIT), Pasang-Masda, ALTODAP at ACTO.

Ayon kay Atty. Vigor Mendoza, lead counsel at national chairman ng KAPIT, layunin ng petisyon na ideklarang unconstitutional ang NCAP.

Inihirit din ni Mendoza at ng nabanggit na mga grupo na maglabas ng temporary restraining order o cease and desist order laban sa NCAP.

Sa kanilang petisyon, ipinunto nina Mendoza na walang ligal na batayan ang NCAP dahil hindi naman ito nakasaad sa RA 7924 na nagsisilbing enabling charter ng MMDA at RA 4136 na lumikha sa LTO.

Suportado naman ng transport groups ang panawagan ni LTO chief Teofilo Guadiz na suspendihin ng mga local government unit ang pagpapatupad ng NCAP at resolbahin muna ang ilang isyu, partikular ang penalties sa registered owners ng private at public utility vehicles.

Iginiit ni Mendoza na bagaman nagpatupad ng mga ordinansa ang mga LGU bilang suporta sa resolusyon, invalid pa rin ito dahil wala namang batas na ipinasa ang Kongreso na nagpapahintulot sa implementasyon ng No-Contact Apprehension.

Tangi aniyang nakasaad sa RA 4136 ay pinapayagan ang face-to-face apprehension at ang traffic violations ay pananagutan ng mga nahuhuling driver at hindi ng registered owners.

Samantala, ipinaliwanag ni Mendoza na mas pinili nilang idiretso sa SC ang petisyon sa halip na sa mga lower court muna dahil Korte Suprema rin naman ang reresolba sa lahat ng legal issues.

DWIZ 882