PALAG ang transport groups na dagdagan ang porsiyento ng “biodiesel” sa ibinebentang diesel sa mga gasolinahan dahil kasabay nito ay ang pagtaas ng presyo.
Inilahad ni Pasang Masda president Roberto “Ka Obet” Martin na ang mungkahing dagdag-porsiyento sa biodiesel ay magiging dagdag-pahirap lamang para sa mga tsuper.
“Nag-overstock sila ng biodiesel, gusto idagdag na naman sa ‘min. Tama na iyon, tama na ang 2 percent,” ani Martin.
Ayon kay Martin, nasa 2 porsiyento ang sangkap na biodiesel ng kasalukuyang diesel sa mga gasolinahan.
Sinabi naman ni Federation of Jeepney Operators and Drivers Association of the Philippines (Fejodap) president Zenaida Maranan, mauuwi sa dagdag-pasahe ang pagtaas sa biodiesel content.
“‘Pag dumagdag ang presyo ng krudo, heto na naman, magkakaroon na tayo ng trigger na tataas ang pamasahe,” ani Maranan.
Pinag-aaralan pa rin ng Department of Energy (DOE) ang nasabing isyu.
“Definitely, we have to study ano ‘yong magiging impact sa cost,” sabi ni Rodela Romero, assistant director ng Oil Industry Management Bureau sa ilalim ng DOE.
Mula sa 2 porsiyentong sangkap na biodiesel ng kasalukuyang diesel, nais ng mga taga-industriya na itaas ito kahit 3 porsiyento hanggang sa umabot sa 5 porsiyento sa 2021.
Lalo raw kasing lilinis ang bugang usok ng mga sasakyan.
Nasa P0.12 ang inaasahang taas-presyo sa diesel kapag nadagdagan ng isang porsiyento ang biodiesel content habang P0.37 naman kung 5 porsiyento.
“Doon sa mileage gain naman na ibibigay sa ‘yo saka iyong linis ng kalikasan, unquantifiable ‘yan eh,” ani Asian Institute of Petroleum Studies president Rafael Diaz.
Hindi rin daw kailangan baguhin ang makina ng sasakyan kahit itaas ang porsiyento ng biodiesel.
Ayon pa sa mga biodiesel manufacturer ay napag-iwanan na ang Filipinas dahil ang mga karatig-bansa ay mas malaki ang biodiesel content.
Nasa 30 porsiyento ang biodiesel content ng diesel sa Indonesia, 10 porsiyento sa Malaysia, at 7 porsiyento sa Thailand.