MAGLULUNSAD ang TNVS community ng transport holiday sa Lunes, Hulyo 8, bilang protesta sa mga polisiya ng Land Transportation Franching and Regulatory Board (LTFRB).
Sa isang panayam kay Atty. Ariel Inton, presidente ng Lawyers for Commuters Safety and Protection (LCSP), magdaraos ng kilos-protesta sa Lunes ang mga lider ng TNVS Community, kasama ang Defend Job Philippines, gayundin ang mga driver na may hatchback at ang Sedan Transport Network Vehicle Services (TNVS) drivers sa harap ng Senado, habang ang iba naman ay magtitipon-tipon sa Quezon Memorial Circle sa Quezon City at magmamartsa patungong Office of the Ombudsman para maghain ng reklamo laban sa LTFRB.
Napag-alamang nakatakdang magdaos ng pulong balitaan ngayong araw ang TNVS Community, kasama si Kabataan Rep. Sarah Elago sa Quezon Memorial Circle upang ilatag ang kanilang gagawing transport holiday.
Kabilang sa mga usapin na nais dinggin ng TNVS partners ay ang umano’y ‘pahirap policies’ ng LTFRB, kabilang ang paiba-ibang proseso sa terms and conditions at aplikasyon ng TNVS, mga kumplikadong requirement at kabagalan ng proseso ng LTFRB Board.
Kaugnay nito, muling iginiit ng grupo na dapat kilalanin at tanggapin ng LTFRB ang hatchback applications sa gitna ng ginawang memorandum circular 2018-005 ng LTFRB. BENEDICT ABAYGAR, JR.
Comments are closed.