TRANSPORT HOLIDAY TULOY KAHIT MAY DIYALOGO: WALANG ATRASAN

TRANSPORT HOLIDAY

TULOY pa rin ang transport holiday na ikinasa ng Transport Network Vehicle Services (TNVS) community sa Lunes sa kabila ng pagdaraos ng diyalogo sa pagitan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at ng mga lider ng TNVS sa Quezon Memorial Circle sa Quezon City, ayon kay Atty. Ariel Inton, pangulo ng Lawyers for Commuters Safety and Protection (LCSP).

Binigyang-diin ni Inton na lehitimo ang mga hinaing ng mga TNVS driver na dapat pakinggan ng gobyerno.

Kasabay nito ay nilinaw ni Leonardo de Leon, chairman ng Manila Hatchback Community, na hindi nila pini-pilit ang mga TNVS operator na mag-offline mula alas-6 ng umaga hanggang alas-6 ng gabi sa Lunes.

Ayon kay De Leon, nais lamang nilang ipakita ang kanilang mga sentimiyento sa pamahalaan at hindi makaperhuwisyo sa riding public.

“Our forms of airing out our dissent will be peaceful, non-violent and non-confrontational; and that we are open to dialogues with the regulating body and the commuters to address the issues, in adherence with the statement of Grab Philippines management.” wika ni De Leon.

Binigyang-diin pa niya na higit na makikinabang ang mga commuter sa kanilang isasagawang protesta laban sa tinatawag nilang ‘pahirap policy’ ng LTFRB.

Ang transport holiday ay ikinasa bilang protesta sa LTFRB dahil sa umano’y mabagal na pagproseso sa mga aplikasyon para sa provisional authority at certificate of public convenience.

Nauna rito ay nanawagan si LTFRB Chairman Atty. Martin B. Delgra III sa TNVS operators na huwag nang ituloy ang planong nationwide transport holiday sa Lunes.

Ayon kay Delgra, mas mainam na makipagdiyalogo ang TNVS operators sa Board para matugunan ang ka-nilang mga hinaing sa halip na perhuwisyuhin ang riding public.

Nabatid na maging ang Grab Philippines ay umaapela sa TNVS community na huwag ituloy ang ikinakasang  transport holiday  sa Lunes.

Ayon sa Grab, dapat kanselahin ang planong transport strike dahil maaapektuhan nito ang napakaraming pasahero. BENEDICT ABAYGAR, JR.

Comments are closed.