NILINAW ng Philippine Coast Guard na maaari nang bumiyahe papunta at paalis ng Isla ng Siargao.
Nakarating sa pamunuan ng PCG ang hinaing na hindi pinahihintulutan ng PCG unit sa Siargao Island ang pagbiyahe ng mga residente at turista paalis ng Isla, sa kabila ng bumubuting lagay ng panahon.
“Batid po ng PCG ang kasalukuyang sitwasyon ng ating mga kababayan sa Isla. Hindi po biro ang pinsalang iniwan ng Bagyong “Odette,” anang PCG.
Dahil dito sa unang relief transport mission ng BRP Gabriela Silang (OPV-8301) ang Isla ng Siargao ang isa sa pinaka-unang hahatiran ng tulong.
Problema pa rin sa kasalukuyan ay ang kawalan ng sasakyang pandagat na bibiyahe sa rutang ito dahil karamihan kasi ng mga barkong nag-take shelter para makaiwas sa pinsala ng bagyo ay lubos na naapektuhan at nagtamo ng matitinding sira. Karamihan sa mga barkong ito ay kasalukuyang sumasailalim sa repair. Ang ilan namang sumadsad sa mababaw na parte ng katubigan ay kasalukuyang sina-salvage para muling maibalik sa operasyon.
Base sa direktiba ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Arthur P. Tugade, ipinag-utos na ni PCG Commandant, CG Admiral Leopoldo V Laroya ang pag-de-deploy ng mga PCG ships sa Siargao Island para magamit ng mga residente at turista papuntang Surigao City.
Inaasahang dumating ang BRP Sindangan (MRRV-4407) sa Siargao Island para magbiyahe ng mga residente at turistang kinakailangan makarating sa Surigao City. Ayon sa DOTR at PCG, magsasagawa sila ng sunod-sunod na transport mission, hanggang kinakailangan.
Dagdag pa rito, kasalukuyan nakikipag-koordinasyon ang PCG sa malalaking shipping companies sa bansa para mag-request ng passenger vessels na maaaring magamit sa isla para makatulong sa malawakang transport mission.
“Sa pagsisimula ng pagbangon sa bansa sa epektong iniwan ng Bagyong Odette, hiling po namin ang pakikiisa at pag-unawa ng publiko.
Ginagawa po ng PCG at ng iba pang ahensiya ng gobyerno ang lahat para makatulong sa agarang rehabilitasyon ng mga apektadong probinsya, ani Laroya.
“Makakaasa po kayo na kahit pa sa paparating na Kapaskuhan, hindi titigil ang inyong PCG sa paglilingkod sa ating mga kababayan, saanmang bahagi ng bansa kinakailangan ang serbisyong Coast Guard,” ayon pa sa opisyal. VERLIN RUIZ